SURI ng nobelang BULAKLAK SA CITY JAIL ni Lualhati Bautista


Pagsalubong sa Mesiyas/Messiah

Diyalektika ng Katarungan, Parusa, at Politikang Seksuwal sa Bulaklak sa City Jail ni Lualhati Bautista

journal doi https://doi.org/10.31944 issue doi https://doi.org/10.31944/20239602 article doi https://doi.org/10.31944/20239602.01

University of Connecticut

Abstract

Lualhati Bautista’s narrative of women’s experience in the notorious Manila City Jail endeavors to fulfill a realistic and allegorical intent. Viewpoint and dialogic plotting are designed to articulate realistic scenarios with typical characters representing class mores. With a historical background on the evolution of the penal institution, this critique argues that the reformist trajectory of the modern prison cannot escape its sociopolitical determinants. The neocolonial City Jail embodies the ambivalence of both rehabilitation and retributive punishment: while prisoners in general are monitored by bour- geois criminal law, female inmates suffer gender discrimination and masculine barbarity. Suicides and riots are symptoms of the unjust punishment inflicted on impoverished victims. The narrative process shows the versatile resistance of women prisoners when they abandon anarchistic modes and acquire group self-consciousness. Angela, the chief protagonist, serves as the mediation

to the dialectic of self-recognition. Her pregnancy awakens solidarity and collective action, forcing the authorities to allow the advent of the child in a public hospital. Realism yields to quasi-documentary testimonies on hospital and court as chronotopes of social antagonisms. The hospital then operates as an ambivalent counterpart to prison and the alienating orphanage. Returned to the City Jail, Angela (mother-child) serves as an imaginary locus of recon-

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 1

E. San Juan Jr.

ciliation. Women’s cooperative agency becomes subordinate to the maternity principle. Nature’s temporality inflects the novel’s didactic telos expressed in defining the jail as a microcosm of a hypocritical corrupt society. Despite this tendentious naturalism, the symbolic action of projecting the mother-child duo as the unifying principle of the chaotic jail is emphasized in the closing chapters. It functions as a critique of the deceptive ambiguity of the carceral system. Rebirth to a new life (for Angela and the proletarian inmates) is midwived by the sublimation of individual desires and misfortunes. Is Angela a scapegoat-become-savior?

The novel transcends the conventional melodrama of sacrificial victim redeemed by empathy through its rhetorical use of demotic idiom and erotic tropes. This is reinforced by the historical allusions to the Irish prison revolt and the martial-law/Marcos authoritarian regime. The mother- child icon (the pathos of Pieta) appeals to indigenous or folk religious habitus. It is invested with a prayer-like motive of invoking revolutionary action to abolish the conditions that legitimize unjust penalization of the marginalized. But catharsis is postponed because Angela’s prison- sentence remains unexpunged; the querida-system remains in place, with male supremacy obliquely vindicated. Notwithstanding this ironic undercurrent, Bautista’s novel is distinguished
as a feminist invocation for systemic change to benefit all, not just women, affirming in particular the liberation of future generations emblematized by Joy, the child (the flower or bulaklak) born amid the misery and squalor of the Metro Manila City Jail.

Keywords

City Jail, bilanggo, parusa, kerida, hustisya, kontradiksiyon, diyalektika

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 2

Sapagkat ang pagkilala sa katutubong karangalan at sa pantay at di-maikakait na mga karapatan ng lahat ng nabibilang sa angkan ng tao ay siyang saligan ng kalayaan, katarungan at kapayapaan sa daigdig . . .

Sapagkat mahalaga, kung ang tao ay di-pipiliting manghahawakan bilang huling magagawa, sa paghihimagsik laban sa paniniil at pang-aapi, na ang mga karapatan ng tao’y mapangalagaan sa pamamagitan ng paghahari ng batas . . .

—Sipi sa “Pandaigdig na Pagpapahayag ng mga Karapatan ng Tao, United Nations” (Universal Declaration of Human Rights, United Nations)

My experience at the hands of the military was a horrible nightmare. I would always shiver at the memory of torture The scars of that terrible ordeal are so deep I do not know if I can ever erase them from my memory.

—Angie B. Ipong, Political Prisoner, Philippines, 2005-

Upang mas makaugat sa masa, sinakyan ng mga prayle ang mataas na pagpapahalaga sa kababaihan ng sinaunang lipunan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga ritwal at kulto ni Birheng Maria . . . Panakang sumusulpot sa mga panahon ng kaguluhang panlipunan ang pananaw sa papel ng kababaihan bilang tagapagligtas ng komunidad kung may problema . . . tulad ng iba’t ibang bersyon ng Birheng Maria na sumasaklolo sa . . . panahon ng kagipitan.

—Adora Faye de Vera

Sinumang nais malaman kung gaano kakilakilabot ang impiyerno, di na kail- angang maghintay pang pumanaw. Mungkahi naming dumalaw na lamang kahit sandali sa Manila City Jail (o sa iba pang sangay ng Bureau of Jail Management and Penology). Tanyag ang Manila City Jail sa pinakamasikip na bilibid sa buong mundo. Dating kilalang Cárcel y Presidio Correccional sa Kalye Oroquieta, Santa Cruz, Maynila, nakapuwesto ito sa mismong sentro ng lumang siyudad malapit sa Quiapo, Escolta, at Morayta).

Nakamamangha ang presong ito: ang kapasidad nito ay 1,000 tao, ngunit sa taong 2020, 4,800 bilanggo ang laman (5,000 noong 2005 ayon kay Alfaro). Sa isang dormitoryong dapat 200 tao lamang ang nakatira, 800 detenido ang nagsisiksikan. Kaya kamakailan, di- kagulat-gulat na pumutok ang madugong sigalot kung saan dalawa ang patay at 32 ang sugatan, sa impiyernong

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 3

naging eskandalo para sa gobyerno (Alfaro). Kaawa-awa ang sitwasyon ng mga taong binansagang kriminal o mapanganib sa madla, ngunit tila hindi makatarungan ang sinapit ng mga biktimang hindi pa takdang mamatay.

Karimarimarim ang kapalaran ng mga nakabimbin. Nang dumagsa ang pandemya ng COVID-19, umabot na sa 4,800 ang detenido, apat na porsiyentong higit sa kapasidad na itinakda. Grabeng pinaghalo ang mga taong delingkwente, mga siraulo, bata, matanda, yaong maysakit, cold-blooded killers, atbp. Walang espasyong sapat para sa bawat bilanggo; anumang puwang ay marumi, mabaho, pugad ng mikrobyo ng iba’t ibang sakit: tuberkulosis, sakit na venereal, atbp. Hindi kamangha-mangha na sa gitna ng salot, gutom (ang pagkain ay tulad ng inihahanda para sa mga baka o iba pang hayup), siksikan, walang malinis na tubig, walang medikong tutulong sa anumang sakuna o pinsala, biglang sasabog ang gulo. Sa gitna ng ganitong kadahupan at kakulangan, huwag tayong umasang hindi mag-aapoy ang galit, bugnot sa pagkabigo, ngitngit, siphayo, patayan. Kontra sa tangkang repormahin ang moralidad ng mga nakulong ang nangyari.

Prologo: Dayuhang Imbestigasyon

Dinalaw ni Karishma Vyas, reporter sa Al Jazeera, ang Manila City Jail noong Disyembre 2018. Ibinalita niya ang salaulang kondisyon. Dapat 1,100 lamang ang bilang ng inmates, ngunit 6,300 tao ang nakapiit—sobrang lampas sa kapasidad. Natutulog silang tabi- tabi, nakaupo o nakalupasay. Laganap ang sakit, maraming nagpapakamatay. Pagmuniin din na siyamnapung porsiyento ng detenido ay naghihintay ng bista, hindi pa nasasakdal sa anumang krimen. Tumatagal ang kaso nila ng kung ilang taon—si Rogelio Reyes, limampu’t walong taong gulang, ay walang pang paglilitis sa loob ng labing-apat na taong nakapiit (Vyas). Karamihan sa mga bilanggo ay pinaghihinalaang mga drug user lamang na nasumbang o natokhang, mga inosenteng sibilyan na walang-awang biniktima ng 2002 Dangerous Drugs Act. Maraming sawim- palad ang walang ibayad sa piyansa at walang kamag-anak na mag-aasikaso o tutulong upang malunasan ang kanilang paghihirap.

Maaaring akalain na ang bilibid ay matris ng kapahamakan, kapinsalaan, pagdurusang walang kahihinatnan. Ngunit bawat bagay ay may dalawa o

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 4

tatlong mukha na kapupunan sa isa’t isa. Ito marahil ang balak ipaunawa ng reporter.

Sa ganitong masahol na kalagayan, binalewala na ng gobyerno ang mga tratadong pinirmahan, halimbawa ang United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners, International Covenant on Civil and Political Rights, at Covention against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment (tingnan ang kaso nina Angelina B. Ipong, Marcelino Marata, May Rodriguez, atbp. [de Vera; Burgos]). Sa pagyurak sa karapatan ng mga bilanggo (bata man o matanda, baliw, o maysakit, atbp.), ang sistema ng bilangguan sa Pilipinas ay tiyak na barbariko, malupit, kasuklam-suklam.

Nakakasulukasok na katotohanan ang matutuklasan. Bunga ng masinsing pagsisiyasat sa kondisyon ng bilibid, naipagtibay ni Maria Rita Alfaro ang pagbihag din nito sa karapatang-pantao habang diumano’y nagsisilbing- proteksiyon sa lipunan:

A prison system facilitates punishment, retribution or retaliation, expiation, deterrence, and reformation . . . But in many cases, these aims are not served. The prison system is constrained to punishment and retribution per se; with little regard for the reformation and rehabilitation of the offender. With the indifference to the plight of the prisoners, society yet creates more monsters out of them.

Paninindigan din ito ng American Civil Liberties Union (ACLU) sa Estados Unidos at iba pang dalubhasang mananaliksik (Monthly Review Editors; Davis; Wacquant). Naglalayon ang disiplina at rehimentasyon ng bilang- guan na dulutan ng rehabilitasyon at reformang moral ang nakapiit. Ayon kay Anthony Giddens, ang preso ay isang modernong laboratoryo, “an envi- ronment in which social organization and change are reflexively engineered, both as a backdrop to individual life and as a medium for the reconstitution of individual identity” (158). Ngunit hindi natupad ng sekwestrasyong ito ang magandang layunin.

Katugma ng kuro-kurong binitiwan ni Dostoevsky, ang bilangguan ay salamin ng buong lipunan, isang mikrokosmong indeks ng buti o sama ng

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 5

ugnayang umiiral. Sinumang kumatha ng obhetibong deskripsyon ng bilibid ay nagbabadya ng tangkang umusig at tuligsain ang mga nangangasiwa ng aparatong komplikado (Cloke 8–10). Kung tutuusin, sinumang mag-uulat ng buhay-buhay ng mga bilanggo, huwag umasang kapana-panabik na romansa ang ihahapag sa iyo. Malamang makaengkwentro sa salaysay ang mga halimaw, ang malagim at kagimbal- gimbal na sagupaan at madugong pakikihamok. Ito kaya ang inihanda ni Bautista sa kaniyang nobelang hango sa matagumpay na pelikulang Bulaklak sa City Jail (1984)? Pumatok sa madla ang sinematikong hulmahan ng nobela, pero wala pang seryosong komentaryong kumikilatis sa masimbuyong damdami’t pagsusuring nakapaloob sa danas ng mga bilanggo.

Pasakalyeng Babala

Umani ng masigabong parangal ang pelikula ni Mario O’Hara batay sa iskrip ni Bautista. Hindi nakabulabog sa pamahalaan o burukrasyang binatikos doon. Nailathala ang nobela noong 2006, ngunit ngayon, wala pang masigasig na diskusyon tungkol sa usapin ng hustisya at diskriminasyong pangkasarian o diskusyon ukol sa politikang seksuwal ng awtor. Siguro, maselan o peligroso ang paksa at baka sumabak sa peligrosong kontrobersiya. Ngunit himala nga na ang pangit o masagwa ay pinapaganda ng sining—paggiit ng klasikong estetika mula pa kina Aristotel hanggang Kant at John Dewey. Senyas ito ng pamagat ng nobela: humahalimuyak ang bulaklak sa masikip/mapangam- bang sulok ng siyudad. Balisa, alinlangan, at linggatong ang sumusubaybay sa sinomang maliligaw sa pook na ito. Sa pusod ng hilahil at pighati ng mga biktima, umuusbong at lumalago ang buko ng magkasalong lugod, saya, at luwalhati.

Magkasundo ang halos lahat ng kritiko na mahusay ang sinematikong bersiyon, na di maikukumpara sa nobela. Ayon kay Joel David, umabot na ang konsiyensiya ng direktor sa pamantayan ng kaniyang sining: “The objective significance [of the film] resides in the depiction of a realistic social condition in high cineliterary style” (Urian Anthology; Salud). Natukoy din ni David ang zoo na isang masisilungang taguan kumpara sa bilibid na isang “macrocosm of big city brutality.” Nakapupukaw rin ang pagluwal ng anak

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 6

kasiping ng mga hayup (isang metaporang anti-Bethlehem) at pagsaklolo ng mga pulis sa paraan ng paghuli sa tumakas na ina—isang ironya o parikala.

Naitampok din sa pelikula ang birtud ng baryasyon ng karakter at insidente. Halimbawa ang natuksong guwardya na iginapos ni Juliet sa isang kama sa mawsoleo at ang pagtakas ni Angela at panganganak sa Manila Zoo imbes na sa ospital. Subalit ang genre ng sosyorealistikong nobela ay hindi eksaktong maitatambal sa modernistang sinema; lubhang malaking agwat ang naghihiwalay sa mga kategorya. Lalong tanyag ang pelikula dahil sa galing ng mga artistang gumanap, lalo na sina Nora Aunor, Gina Alajar, Celia Rodriguez, atbp. Mahigit na isang dekada’t kalahati ang lumipas, walang huntahan tungkol sa tema ng nobela sa gitna ng ilandaang bilanggong pulitikal at ilan libong inaresto’t tinortyur sa piitan noong diktadura ni Marcos at sa kasagsagan ng pandemiko’t gera laban sa droga (San Juan, “Brutalizing Women Political Prisoners”).

Tila hindi tinatablan ang publikong kamalayan sa mga nakababagot na katampalasang nangyayari. Naibalita na sa buong mundo na maraming Pilipinang ibinilanggo’t pinarusahan, kabilang na sina Melissa Roxas (noong 19–29 Mayo 2009) at Angie Ipong (anim na taon sa piitan, 2005–11). Sagad- butong pagpapahirap ang dinanas ni Ipong at marami pang biktima ng rehimeng Marcos (hinggil kina Josefina Salas, Benigna Rivera, Consolacion Buscayno Arcilla, Arcilla Mallari, Adora Faye de Vera, atbp.; tingnan ang ulat ni Leonard Davis; Ipong). Nakaririmarim ang danas ng mga babaeng dinukot at nilapastangan, kaya tiyak na aayawan o maasiwa ang marami sa mapanganib na paksang tila walang katarsis o mahabaging resolusyon.

Pangkaraniwang karanasan na sa mga aktibista ang mabilanggo simula sa panahon ng diktadurang Marcos—ilanlibong detenido noon at hanggang ngayon ang saksi rito. Ang kondisyon ng mga taong pinarusahan ng Estado sa bilangguan, detention center, o himpilan ng pulisya at militar (Philippine National Police [PNP]; Armed Forces of the Philippines [AFP]) ay ibinulgar na sa maraming publikasyon (Burgos; hinggil sa pagtrato sa mga nahuling Huk noong dekada 1950, konsultahin si Pomeroy). Ang pinakamaigting na pagsasalaysay ng pagkapiit bilang makabayang unyonista ay matatagpuan sa mga akda ni Amado V. Hernandez. Hitik sa dokumentasyon ng mga

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 7

biktima ang arkibo ng Karapatan, Amnesty International, Human Rights Watch, UN Human Rights Council, atbp. Ikinalat ang mga masahol na kaso ng pagpaparusa kina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, ang mga hinuli’t inilagak sa Camp Bagong Diwa, ang patuloy na pagdurusa ng mga babaeng bilanggo sa iba’t ibang kulungan ng Estado.

Kalkulus ng Pighati, Abakus ng Dalamhati

Kumpara doon, ang danas ng mga proletaryong detenido sa nobela ay pang- karaniwan. Namumukod si Angela, weytres-kerida na sa pagkabuntis ay nasabak sa huwarang ideolohiya ng maternidad. Umangkas din ang kaso niya sa usaping feminista hinggil sa pag-aasawa, panganganak, at pag-alaga sa musmos sa pamilyang tradisyonal (Aguilar). Naibansagang “ghetto” ang sistema ng bilibid sa paglipol doon ng mga pulubi (Wacquant). Bagamat hindi tuwirang politika ang sakdal sa mga babae sa bilibid, ang mismong sistema ng pag-akusa’t pagtrato ng Estado sa kanila ay nakasandig sa poli- tika ng burgesya/oligarkiya, pulitika at di-makatarungang paghahati ng lipunan. Sinusuportahan ng sistema ng bilangguan, korte, at pulis/sundalo ang pagsikil sa nakararaming anakpawis at kababaihan ng uring may kontrol ng kapital, lupa, at dahas ng Estado.

Laging tagilid at may kinikilingan ang kategorisasyon ng kasarian ayon sa pamantayang pyudal-komprador-kapitalista. Kongklusyon nina Elizabeth Eviota, Lise Vogel, Angela Davis, at iba pang teoristang feminista na tandisang politikal ang pag-aresto’t detensiyon ng mga babaeng pinaratangang kriminal. Ang sakdal sa kanila ay nabahiran ng kanilang pagkakaiba/diperensiyang pisikal kaugnay ng kanilang reproduktibong gampanin. At ayon kay pilosopong John Locke (tagapagtatag ng demokrasyang liberal), ito ang likas na kahinaang kung bakit nakapailalim sila sa posisyon ng patriyarkong puno ng pamilya (Clark). Umiiral pa hanggang ngayon ang paniwalang ito bagamat nabigyan na ang kababaihan ng karapatang bumoto at pumasok sa propesyong hinihingi ng kalakal sa lakas-paggawa.

Batid na ng madla na hindi na pambihira ang paghihirap ng babaeng bilanggo sa atin. Subalit mahirap makatagpo ng masustansiyang testimonya. Buhat pa nang sugpuin ng Estados Unidos ang rebolusyonaryong tropa ng

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 8

Republika noong 1899 hanggang ngayon, di mabilang na babae ang naging biktima. Noong sakupin tayo ng Hapon, karumaldumal ang nangyari sa mga ipiniit na comfort women. Dinaliri ni Bautista ang kawawang kapalaran ng mga babae sa librong Hinugot sa Tadyang at mga nobelang ’Gapô; Dekada ’70; Bata, Bata, Paano Ka Ginawa? at Desaparesidos (San Juan). Maaaring purihing “timeless” ang nobelista sa dokumentasyon at realistikong pagdibuho sa bidang ina/asawa. Sadyang napapanahon ang pagtalakay sa karahasang ipinapataw sa mga babae na nalugmok sa domestikong larang at sa publikong lugar ng pamilihan, sa loob o labas ng mga aparatong mapaniil ng Estado. Nireplika ng City Jail ang estruktura ng pagkalugami ng ina/asawa sa domestikong pagkatakda at tungkulin sa pamilyang tradisyonal, kung saan nakakulong ang babae sa tungkuling reproduksiyon ng puwersang manggagawa para sa pagpapatuloy ng sistemang mapagsamantala.

Sipat sa Konteksto ng Kontradiksiyon

Sa pakiwari ko, ang nobelang Bulaklak ang pinakamakahulugang larawan ng mga babaeng ginipit ng sistemang makauri’t maskulinista. Sa kuwadrong ito madarama ang pinakamabalasik na pagtistis sa anatomiya ng tusong pagsikil sa mga sawimpalad, lalo na sa buhay/katawan at kapasidad ng kababaihang maralita at sinalya sa gilid. Nailagom sa ilang kataga ang aral ng talambuhay sa bibig ni Colonel Cipriano, ang repormistang hepe ng City Jail: “they [guwardiya; opisyal] too are products of a very rotten social system, just like you and me” (103).

Kung ang City Jail ay mikroskosmo ng bulok na lipunan. maisususog na ang Manila Zoo ay isang daungan o puwerto ng kaligtasan. Sa pelikula, tumakas si Angela’t nagluwal ng kaniyang anak sa gitna ng ilanlibong uri ng hayup at halaman, kabilang na ang isang White Siberian Tiger, isang elepante, at pinakamatandang hipopotamus sa mundo, si Queen Bertha (Harper at Fullerton). Bagamat mabangis ang mga hayup, kung tutuusin, ang ulirang etika ng mga chimpanzee sa pagtutulungan at pakikibahagi (Goodall) ay ipinahiwatig na sa damayan ng mga bilanggo. Ano bang klaseng hayup ang tinaguriang Homo sapiens? Sa halip na zoo, ang ospital sa nobela ay matalinghagang espasyo ng kooperasyon sa pagitan ng mga doktor/nars

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 9

at pasyente; mga ina’t mag-anak at katulong sa institusyon, kabaligtarang imahe kumpara sa City Jail.

Nakakintal din ang analisis na iyon sa hinuha ni Viring, babaeng pumuksa sa asawa. Para sa kaniya, ang buong daigdig ay isang piitan kahawig ng City Jail na kaniyang santuwaryo (118). Walang espasyong ligtas sa korupsiyon. Bawat tanawin ay hinabi sa espesipikong perspektiba, pero nagsalikop ang tanawin ng karaniwang bilanggo at burukrasyang buktot ng institusyon. Nakabigkis ang partikular at unibersal sa itinayang kondisyon ng mga bilanggo. Ang katayuan ng kababaihan ay mikrokosmong emblematiko ng sitwasyong sosyopolitikal ng buong bansa. Samakatwid, napakahalaga ng mga usaping binusisi dito sa mga damdamin, kilos, pasiya, at aksiyon ng mga bida sa nobela na dapat pagnilaying maigi ng mambabasa.

Madaling ipahayag sa mambabasa ang banghay. Hinuli si Angela Gutierrez sa tangkang pagpatay sa asawa ng kinakasamang si Crisanto, ang pangunahing karakter ng nobela. Nang manganak siya sa City Jail, naging problema ang pananatili niya roon hanggang mapalaya siya sa tulong ng mapagkandiling abugado at suporta ng madlang napukaw sa pagdating ng sanggol/anak. Ang pangkabuntis at panganganak ng isang kerida ay nagbunsod ng pagbabago. Ang sakdal na pagpatay ay maitatayang pagtatanggol sa sarili, na nagbunga ng “physical injury,” o pinsala sa katawan ng asawang inaagawan—isang bagay na dapat nangyari sa nawaglit na inquest (FLAG). Palpak ang paghawak sa kaniyang kaso. Ang parusa sa binansagang krimen ay dalawang taon, isang buwan, isang araw, hanggang tatlong taon, isang buwan, isang araw (304). Paano nakalkula ito? Paliwanag ng huwes sa sentensiya na ang paglabag ni Angela ay sanhi ng “instinct to survive . . . ayon sa pagsunod sa instinct ng tao na makaigpaw sa mga gipit na sitwasyon” (304). Dapat ituring iyon na isang “crime of passion.” Makatuwiran kaya ang retribusyong ipinataw o haka-haka lamang ng utak ng isang hukom?

Upang mailinaw ang isyu ng sitwasyon ng kababaihan sa bilangguan— institusyong itinatag ng kolonyalistang Estados Unidos, kailangan ang isang maikling tala kung bakit nagkaroon ng institusyong ito sa larangan ng sosyedad sibil. Paano naitatag ang institusyong penal, at paano pinili ang ikukulong at hatulan alinsunod sa anong pamantayan?

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 10

Palasak nang sagutin iyon na kailangan ang lugar para sa mga kriminal upang mapangalagaan ang kaligtasan ng buong lipunan. Sinumang lumabag sa panuto o kodigo ng lipunan, ng moralidad na naisaad sa batas, ay ituturing na kriminal at parurusahan. Noong panahon ng barbarismo hanggang monarkiya, kagyat na pinapatay o tinotortyur ang sinomang lumabag sa regulasyon/batas na saligan ng kaayusang pampubliko, kaakibat ng awtoridad na inatasang ipasunod ang mga batas. Alinsunod iyon sa kontrata sosyal at karapatang abstrakto ng bawat tao na ipinaglaban ng mga paham (Voltaire, Rousseau, at Kant) ng Kaliwanagan. Iniulat ni Michel Foucault at iba pang dalubhasang sosyolohista ang paglagak sa mga baliw, bagamundo at hinalang suspek sa mga bahay-asilo at klinika/ospital pagkaraan ng rebolusyon sa Pransiya sa huling dako ng siglo 1700.

Magkalakip ang hangaring makaalam at hangaring makapamatnugot sa makabagong rehimen ng bilangguan. Ang reporma ng preso pagkatapos ng yugto ng Kaliwanagan ang nagpatigil sa ligal na torture at publikong pagbitay. Ngunit hindi dapat isipin na iyon ay “humanitarian” o mapagkawangga. Kabaligtaran ang resulta: nagpasinaya iyon sa rehimen ng Panoptikon. Lumalabas na ang kapangyarihan/poder ay hindi tuwirang pagsupil kundi palagiang pagbantay, pagmamanman, at pagmamatyag sa lahat. Naging suheto ng Estado at obheto ng diskursong pang-agham (sikopatolohiya) ang mga baliw at kriminal.

Sa librong Discipline and Punish, inilahad ni Foucault ang lohika ng bilangguan bilang institusyon at praktikang kasangkot sa isang “network” ng kaalaman, kapangyarihan, at katawan ng tinaguriang kriminal. Sinubaybayan niya ang mga susing ideya nina Beccaria, Hegel, Nietzsche, Bentham, atbp. Pinalitan ang parusang pisikal ng disiplina ng katawan/isip sa pamamagitan ng pagmamatyag o pagtiktik at pangungulinig (“surveillance”). Kinatawan ito ng rehimen ng kapangyarihan sa ospital, kuwartel militar, at eskuwela (naungkat ito ni Bautista sa kuwentong “Buwan, buwan . . .”). Ang operasyon ng magkatambal na kaalaman at kapangyarihan ay ikinabit ni Foucault sa pagkontrol sa katawan kung saan iba’t ibang teknolohiya at modernong tipo ng parusa ang inilapat at sinanay (Smart). Sa kasalukuyan, lalo na sa Estados Unidos, ang bilangguan ay instrumento sa digmaan laban sa krimen ng mga

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 11

walang ari-arian kundi ang kakayahang magtrabaho—sa dalawang milyong nakabilanggo, mayorya ay Aprikano-Amerikano’t Latino mula sa uring proletaryado (Federici at Caffentzis).

Sumpa ng Kalakaran

Ang kuwestiyong kritikal na dapat paglimiin ay nakasentro sa hustisya at batas, at anong timbang ng karapatang-natural ng kababaihan. Di maibu- bukod sa usaping ito ang konsepto ng krimen sa kasaysayan at kaayusan ng mga grupong bumubuo sa lipunan. Mahalaga rito ang antas ng moda ng produksiyon ng kasangkapang materyal at reproduksiyon ng ugnayang panlipunan (Reiman). Sa hurisprudensiya ng ordeng liberal/kapitalista, ang depinisyon ng krimen ay kaugnay ng masamang intensiyon ng indibidwal na suwayin ang batas/normatibong tuntunin.

Halos lahat ng batas ay proteksiyon sa pag-aari (property) at kumikiling sa may-ari ng kapital, salapi, na laging idinidiin ni Colonel Cipriano at litaw sa danas ng mga bilanggo. Ang walang ibayad sa piyansa o multa ay sapilitang ikukulong. Sa sosyalistang ekonomiyang pampolitika, walang krimeng batay sa salapi o pag-aari na siyang bukal ng diskriminasyon (Crockett; Davis).

Sa pag-unlad ng sibilisasyon, nabuo ang sistemang administratibo at korte at ahensiyang magpapatupad sa pagsunod sa batas na pormalisasyon ng publikong moralidad. Naitayo ang Estado at aparato ng sapilitang puwersa. Alyenasyon at dualistikong porma at laman ng batas ang batis ng tiwaling paghuhusga at pagpapahalaga sa bawat tao (Meszaros). Ito ang pundasyon ng bilangguan.

Walang pasubali, ang kaalaman ukol sa krimen ay isang konstruksiyong sosyopolitikal (Monthly Review Editors). Depende iyon sa kultura, sa konstelasyong moralistiko at responsibilidad ng bawa’t indibidwal, ng relihiyon, atbp. Samo’t saring tipo ang diyagnosis hinggil sa pinagbuhatan ng krimen, depende sa siyentipikong kaalaman ng bawat panahon. Mungkahi ng ilang bihasang antropologo “. . . Adopting a definition of crime derived from law, legitimated by the state, and administered by a bureaucracy, is ethnocentric and narrow, and that a wider consideration of the breaking of norms and the exercise of social control in simpler societies without formal

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 12

law is illuminating” (Marshall 126; konsultahin ang turo ni Hegel sa Inwood 232–35).

Iginiit din ni Ken Cloke ang argumentong ito: “The major purpose of jurisdictional questions is the maintenance of established order” (7). Sa nobela, dalumatin na sa ganang mag-asawang Pagtalunan, ang palaisipang monogamiya-versus-kerida ay isang banta sa awtoridad ng patriyarkal na poder. Samakatwid, kailangang ilagay sa konkretong kondisyong pangkasaysayan, sa isang takdang yugto ng lipunan, ang problema hinggil sa pagsusuri sa katuturan at punksiyon ng espesipikong batas, krimen, parusa, pati aplikasyong pangkasarian nito.

Pagkilatis ng Ebidensiya

Maiging mahihimay ang palaisipang nabanggit kung ang imbestigasyon ay nakapokus sa nobela at sa partikular na sitwasyon ng mga tauhang gumag- ampan. Mauunawaan ang konseptong nailahad sa paglimi sa mga tauhang makakasalamuha at partikular na kaabalahan nila.

Sa unang kabanata pa lamang, nakatanghal na ang relasyon ng indibidwal (si Angela) at Estado (administrador/pulis), ng kapangyarihang publiko at saloobing mapanuri ng isinakdal na babae. Iniluklok tayo ng nobelista sa kamalayan ng dinakip: “Naitanong ni Angela sa sarili kung ano kaya ang layon nila para iangat ang mesa, at pulis, sa paraang mao-obliga ang kausap na tingalain ito” (2). Sa ayos ng opisina ng pulisya, sa disenyo ng plataporma, naipahiwatig na ang salungtan ng dalawang puwersa: mamamayan versus gobyerno/publikong awtoridad, patriyarkal na kapangyarihan laban sa kababaihang galing sa mababang-saray—mga taong maramdamin, matapang, maingat sa pagpapakita ng saloobin. Pati amoy, kilos ng mga bilanggong lalaki, madilim at masikip na selda, atbp.—isinampa ang mga detalyeng nagpapasingaw sa realistikong atmospera, kalakip ang entabladong pumupukaw sa maselang mambabasang hindi sanay sa maigting na komprontasyon.

Interpelasyon ang isinadula rito. Naitambad sa bukanang eksena ang kuwestiyon ng identidad—ang unang salita ng nobela ay tanong: “Pangalan?”—at pagkilala sa tao batay sa tahanan, okupasyon, at pangyayaring

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 13

kinasangkutan ng sakdal na frustrated murder. Pati ang away ni Angela sa asawa ni Crisanto—senyales ng domestikong problema ng pamilya, pagkakasal, seksuwalidad, pagkakaroon ng kerida, karapatang ipagtanggol ang sarili, dignidad, atbp. Sumagi sa isip ni Angela ang eskema ni Crisanto na bigyan siya ng patalim para patayin ang asawang si Adela—isang pakana ng lalaking agrabyado o talunan.

Bagamat nag-umpisa sa mapanuring sipat sa kalooban ng pangunahing protagonista, ang oryentasyong historiko-materyalismo ni Bautista ay malalim at masaklaw. Pagkilala at pagkakilanlan ng tunay na pagkatao ang inaasinta. Sumisingit ang indibidwalistikong pananaw, sagad sa neo-Darwinismong hibong manatiling buhay, bagamat abala pa ring arokin ang determinasyon ng mga kategoryang pang-uri at pangkasarian.

Sa kabila nito, nakalikha ang salaysay ng mga karakter na sadyang tipikal, sintesis ng partikular at unibersal. Angkin nito ang mimetiko’t simbolikong kalidad na katangian ng modernong nobela (Scholes at Kellogg). Pansinin ang paglipat ng dalumat ni Angela (“Ito ang trahedya ng mga nahuhuli. Huhubaran ka nila sa iba’t ibang paraan, hindi man ng damit ay ng dignidad” [10]) tungo sa pagdamay niya sa danas ng mga aktibistang dinakip at sinalvage noong panahon ng batas militar:

Niluluto nila si Angela’y nagsasalimbayan sa isip ng babae ang mga kuwento tungkol sa mga suspetsadong pinapirma daw ng release papers pero pagkaraa’y sinalvage. Kung sa bagay, sa babae raw ay mas makatao ang pagyari. Sasalatin lang daw ang isang parte ng dibdib mo, palilingunin ka sa kanan, saka mabilisang tutusukin ng icepick do’n sa parteng sinalat nila, ‘yong siguradong tuhog ang puso. Wala ka raw mararamdamang sakit. Ni hindi mo raw makukuhang magulat (11).

Dahil sa pagtanggap ng realidad (sa guniguni), kusang-loob na inamin ni Angela na sinaksak niya si Adela. Iyon ay pagpapatibay ng kaniyang malayang desisyon. Malabo ang isip niyang nagulumihanan, lugmok sa pagkabalisa. Mula rito, alam na natin ang komplikasyon ng banghay: ang pag-inog ng personal na damdamin at isipan sa kolektibong kamalayan, sensibilidad, hinuha, at hinagap ng mga bilanggong pakikitunguhan at pakikisamahan

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 14

ni Angela. Malinaw ang trajektorya ng mga pangyayari: mula suliraning personal tungo sa kolektibong pakikibaka.

Sa umpisa pa lamang sa presinto, itinampok na ang predikamentong isasadula: ang pangingibabaw ng awtoridad ng Estado/kalalakihan, kawalang- patas ng dalawang panig (babae/lalaki) at magkahiwalay na daloy ng kamalayan. Bakas ito ng kaayusang pyudal sa kostumbre’t ugaling nakabatay sa patriyarkal na herarkiya. Sa susunod na mga kabanata, ibubunyag ang iba’t ibang ayos ng palitan (exchange) o komersiyo ng diwa at saloobin. Sintomas ito ng moda ng produksiyong kapitalista na bagamat nakasuot ng maskarang pyudal ay siyang mabisang umuugit sa relasyong kapitalista. Iyon ang saligan ng abstraktong ideya ng karapatan at batas. Mapipisil din dito ang rason kung bakit nagtatagisan ang kolektibo’t indibidwalistikong tendensiya na iniresolba sa ambiguwidad ng wakas: mula sa kolektibong perspektiba, bumalik ang aninaw ng pagsasalaysay sa pagkatao ng protagonistang tipikal.

Nakasalig sa komersiyo (ng bagay, muni, kilos) ang malayang pakikipagkapwa ng mga tao sa loob at labas ng bilangguan, ang lakas na lumulundag sa bakod at pader. Diyalektikang proseso ng kamalayang- pansarili at pakikibakang makakomunidad ang mapapanood natin sa masalimuot na tunggaliang sumasagitsit sa loob ng City Jail. Ang karanasan nina Angela at mga kasama ay di lamang personal kundi pangkalahatan, tulad ng mga pasakit ng mga migranteng OFW (overseas Filipino workers) na inilarawan sa maraming pelikula ukol kay Flor Contemplacion. Ayon kay Bliss Cua Lim, “the violence endured by the individual, once it has been made public, becomes a collective social experience” (66).

Proyektong Damayan

Laganap ang alyenasyon sa buong bansang sinakop ng kapitalistang imperyo. Unti-unting binuwag ang lumang ordeng pyudal at pinalitan ng sistemang nakasalig sa abstraktong ugnayan ng mga taong may pag-aari: kapital/yaman. Kaniya-kaniyang kayod, salapi, o komoditi ang motibo sa paghahanap-buhay. Mas matindi ito sa bilangguan, isang institusyong nagtataglay ng sariling reglamento’t seguridad, bagamat umaayon sa ordeng komersiyal at akmang magbawal ng anumang radikal o anarkistang kilos.

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 15

Pagkatapos maharap sa piskalya’t maisakdal sa kasong “nabigong pagpatay,” inilipat si Angela sa City Jail, tirahan ng samot-saring kategorya ng suhetong huridikal/tagadala-ng-karapatan sa imbentaryo ng may-akda:

. . . ang lahat ng klase ng babae na sa iba’t ibang paraan ay lumabag sa linyang itinakda ng batas at puminsala sa katiwasayan ng lipunan: mga putang tulad nina Sheryl, Brenda at Candy, mga mananayaw ng bold shows, mga may kasong theft at estafa, mga babaing nakiagaw pati sa mga kasong pinupuhunanan ng tapang at lakas ng loob at sa gano’n ay aakalain mong tatak-lalaki lang: holdap, arson, multiple murder, kidnap…at child molestation. (22)

Sa burges na sukatan, may dalawang kategorya ang lohika ng pagpaparusa: utilitaryan at retribusyon (Adler 184–85). Labag sa moralidad ang mga puta, labag sa pribadong pag-aari ang nagnakaw, nanunog at pumatay. Paano ang kerida na tanggap daw ng lahat dahil ang lalaki ay pinapayagang magkaroon ng “mistress with whom he usually starts a second family,” ayon kina Alfredo at Grace Roces (212)? Nabigo si Crisanto na maging ama; ipinagkait iyon dahil mas makapangyarihan ang salapi ng asawa. Pero ang negasyon ng negasyon (maskulinismo) ay keridang lumahok sa pakikibaka ng mga babaeng bilanggo.

Ibinabala na ng tagapagsalaysay ang balak na ungkatin ang katwiran sa kategoryang pangkasarian—ang binaryong babae–lalaki, ang duwalistikong dibisyon ng gawain. Nakasalang dito ang mas maselang paghahati ng mga sabjek sa lilim ng Estado—kriminal o masunuring mamamayan, inosente o nanindigan sa kagustuhan, malinis o marumi. Sa wakas, ang hatol ng hukom ay nakasandig sa prinsipyong utilitaryan (kaysa retribusyon)—nasuspende ang parusang kamatayan, o ang lumang kodigo ng pagpaparusang “mata sa mata,” sapagkat nais ireporma ang kriminal.

Makatwiran sa punto-de-bista ng modernong Estado na kilalanin ang indibiduwalistikong karapatang iligtas ang buhay (instinct to survive). Ito ang saligan ng pag-aari ng lakas- paggawa—sa kaso ng ina, lakas-reproduksiyon na siyang susing garantiya sa feministang paninindigan (sang-ayon sa saliksik nina Vogel, Martinez). Pananaw ng negosyante ang naisatinig ng hukom:

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 16

ang ginawa ni Angela ay “pagtatanggol sa sarili, ayon sa pagsunod sa instinct ng tao na makaigpaw sa mga gipit na sitwasyon” (304).

Sa gayon, hindi sakuna ang maging kerida dahil isa rin siyang mamamayan na may likas na karapatan. Argumento ba ito na makatarungan ang Estado at dapat laging sumunod sa panuntunang makaburges? Ito ang mapaghamong palaisipang dulog ng nobela sa mambabasa.

Sinira ng anak na si Joy ang ideolohiya ng pribadong pag-aari na pundasyon ng ordeng mapangamkam. Nakaligtas ang inang may-ari—aring lakas-sa-reproduksiyon sa bisa ng katawang nagdudulot ng aliw-karnal, kakawing sa anak na inangkin ng mga kabilanggo. Kolektibong ina ang lumusaw sa indibidwalismo. Di kailangang mangimi; iyan ang rason ng palitan-ng-komoditi sa pamayanang neokolonyal/kapitalista. Bukod dito, ilakip ito sa masaklaw at mapanuring obserbasyon ng komunidad ng mga inalipin at pinagsamantalahan.

Mula Kabanata 3 hanggang sa katapusan, mabubuo ang kasaysayan ni Angela bilang inang isinilang ng pakikibaka’t damayan. Sa daloy ng mga pangyayari, naibunyag ang tunay na dinamikong proseso ng tunggalian ng mga puwersa sa ating lipunan. Malikhaing paglaban ng komunidad ang susi sa mabisang transpormasyon ng walang katarungang sistema at liberasyon ng mga kababaihan na sumasagisag sa buong sambayanan. Upang suportahan ang argumentong ito, pipili lang tayo ng ilang makabuluhang pangyayari sa loob ng mahigit isang taong paninirahan ni Angela sa City Jail. Nasiyasat na natin ang lohika ng institusyon ng bilangguan sa loob ng utilitaryanismong liberal. Ang problema ni Angela at ng mga kasama ay nakaumang pa: paano makakatakas sa kaniya-kaniyang interes at makalaya bilang responsableng taong makatwirang umasal?

Halungkat at Saliksik

Bagamat limitado ang punto-de-bista ni Angela, mapagmalasakit ang sensi- bilidad ng awtor. Sumasalisi ang birtud ng tagapagsalaysay sa bawat pagka- kataong kailangan ang masaklaw na perspetikba at distansiyang estetika’t pampolitika. Ito ang sopistikadong metodo ng nobelista. Ginamit ang intu- wisyon, dunong at galing ng kababaihan. Halimbawa, sa pagbabasa ni Tonya

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 17

ng diyaryong People’s Tribune at Bulletin, nailakip ang reperensiya kay Bobby Sands at ang hunger strike ng mga bilanggong politikal sa Hilagang Irlanda noong Mayo 1981. Malimit din ang reperensiya sa mga bilanggong politika noong yugto ng Batas Militar. Importante ito sa unibersalisasyon ng usaping lokal o partikular na siyang birtud ng nobelista.

Bukod sa kongkretong isyu ng kondisyon sa City Jail, masisinag ang implikasyong unibersal ng pakikibaka nina Angela at mga kababaihang lumahok sa pagtutol sa interbensiyon ng awtoridad at bahay-ampunan. Ipinagunita sa atin ang kolonyalistang gamit ng preso, alusyon sa orihinal na karsel ng kapangyarihang Espanya at Estados Unidos. Sa pagsakop ng Estados Unidos, nalikha ang tinawag ni Alfred McCoy na “imperial panopticon.” Ang konstabularyong katutubo (Philippine Scouts), nakabalatkayong tropa ng espiya, at penitentiary ang itinatag sa panlulupig at pagsugpo sa rebolusyonaryong masa. Minana ng City Jail ang praktika at ideolohiya ng pagpaparusa ng kolonyalistang Estados Unidos

Iniulat ni dating Gobernador W. Cameron Forbes ang imitasyon ng Panopticon na imbento ni Jeremy Bentham, ama ng utilitaryanismo:

A high wall commanded at intervals by stone towers, enclosed a tract of land, commanding which was a central tower mounted with a Gatling gun. From this tower radiated the prison barracks like the spokes of a wheel, each barrack having its own yard, the walls of which ran in a direct line toward the central tower, leaving no portion of the yards free from observation (221; natukoy ito mula Kabanata 6 hanggang 8).

Ito ang padron ng panghihimasok ngayon, cyberspace surveillance na naki- kialam sa buhay ng bawat tao sa mundo. Ito ang mentalidad karseral na itina- guyod ng neoliberalismong globalisasyon upang maniig ang panlulupig sa mga lahing di-puti, ang masang anakpawis sa buong planeta.

Mahabang tala ng mga reporma sa sistema ng bilangguan ang makikita sa The Philippine Islands ni Forbes (1928, nirebisa 1945). Bukod sa utilitaryanismong pangkasangkapan sa lakas-paggawa ng mga bilanggo (edukasyon sa iba’t ibang arte, pagsasanay sa galing sa pagyari), ginamit din ang tusong eksperimento sa Iwahig Penal Colony na modelo sa pagbuo ng

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 18

isang “self-governing republic” sa ilalim ng Bureau of Prisons. Sa pagsusuma ni Forbes: “The insular prison system was conducted in the belief that an opportunity to work in the open air, to care for animals or plants, or to give expression to inherent creative talent has a most curative and helping influence” (233). Hindi tinukoy ni Forbes ang malupit na paggamit sa mga bilanggo bilang sapilitang trabahador sa konstruksiyon ng kalsada sa Albay at iba pang lugar, o kaya sa mahigpit na reproduksiyon ng kolonisadong ugnayang panlipunan, tulad ng sinagisag ng kondisyon sa City Jail.

Kaugnay nito, masinop na sinuri ni Michael Salman ang genealohiyang karseral. Ang presong ipinagmalaki ni Forbes ay nagsisiwalat ng “colonialism’s totalizing propensities, its boundaries (the walls) of classification and influence, and also to the possibility of resistance within even the most claustral social settings. The prison . . . highlights the alienating quality of colonialism as a project of cultural disparagement, rejection and reformation” (114). Paano maibubunyag ito? Paano maiguguho ang bakod at pader ng imperyo upang makalaya ang mga inaping katutubo?

Katalagahan Kontra Pagbabalat-kayo

Mahinahon at regular ang takbo ng bilibid—nakaraos din ang mga bihag sa kalamidad ng baha (Kabanata 6)—hanggang sa pagbigti ni Yolly at dumagsang imbestigasyon at publisidad. Sino ang sisingil sa inutang na buhay? Ang pagpapatiwakal ay isang indibiduwalistikong paraan ng pagtakas mula sa piitan ng Estado. Ang isyu—sa opinyon ni Polly Cayetano, kilalang “tagapagtanggol ng moralidad at dignidad ng babaing Pilipina”—ay hindi pagkait sa karapatan nila, kundi ang pagluwag at pagpapalayaw sa mga bilanggo ng warden, Colonel Andres Cipriano. Sinisi ang repormistang liberal na inaruga ng mersenaryong Hukbong Sandatahan.

Kumakatawan sa patriyarkal na herarkiya, si Colonel Cipriano ay simbolo ng retrospektibo at prospektibong mukha ng sistema. Sa unang banda, ang ganting parusa ay nararapat dahil sa nagawang kamalian, kaya dapat magdusa ang nagkasala. Sa huling banda, puwedeng magamot ang sakit o maiwasto ang kamalian sa edukasyon at repormasyon ng karakter ng nagkasala. Retribusyon at utilitaryong prinsipyo ang umuugit sa mga

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 19

patakaran ng warden. Makulay ang karera niya, hindi ulirang malinis o masama, manapa’y nagpakita ng talino sa pagtatasa ng realidad. Taglay rin ng warden ang damdaming tumulong sa kabila ng istereotipikong opinyon na bayolente’t mapusok ang mga kriminal—inilarawan sa nobela ang kabaligtaran. Magalang at sensitibo ang mayoryang nakapiit. Naghahain sila ng reklamo pero pambihira ang malisyosong awayan.

Sinikap ni Colonel Cipriano na gawing makatao ang kondisyon ng mga nakapiit. Nabigo ang paghingi niya ng pondo para sa mga proyektong tulad noong isinakatuparan ng mga Amerikanong administrador sa Muntinlupa, ang pambansang piitan. Naipabago ang dating lumang kapilya, napalitan ang dating bugnuting pari, at nagawang “Luneta” ang dating masukal na backyard. Waring naibalik ang utopikong eksperimento ng Iwahig Penal Colony (sadyang tinukoy sa pahina 153 ang “guinea pigs” ng bilibid), ngunit hindi tuwirang maiaalis ang limitasyon ng galaw at pagtatamasa ng mga ordinaryong pangangailangan.

Hindi bulag ang tagpagsalaysay. Sa kabila ng personal na kabutihan ni Colonel Cipriano o ng burukrasya, inatasan ang bilibid na tumupad sa papel na dapat gampanan nito: ang sistematikong paghihiwalay ng mga tao batay sa uri at kasarian, paghahati ng gawain, at bunga nito, ang di-patas na distribusyon ng yaman at kapangyarihan. Iyan ang parametrong nagpapasiya kung ano ang krimen at kung ano ang normatibong kilos/gawi. Nabanggit na ito sa unahan at itinanghal sa kategorisasyon ng mga bilanggo.

Katumbalikan ang bunga ng limitasyong naghahari sa bilibid. Sa bisa ng reporma ng warden, nagkaroon ng puwang magkatalik sina Yolly at Karding Mata. Sa paglipat ng lalaki sa Muntinlupa, natulak na magpatiwakal ang inulilang babae. Sumisipot ang di-akalaing darating. Ironikal ang nangyari, subalit isang pagpapatibay na sa likod ng pagpupunyaging gawing normal ang buhay sa bilibid, lalong naisiwalat ang kabulukan ng sistemang nagbubukod sa mga tinaguriang “kriminal.” Hindi napigil ng bilibid ang bighaning seksuwal, ang erotikong simbuyo, at humaliling desperasyon ng babae; hindi napigil ang karapatang kitlin ang sariling buhay sa harap ng bantang wala siyang kinabukasan.

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 20

Balighong talab ng mga pagbubuting naisagawa ang sumaksi. Ang sakripisyo’y lumigtas sa tiwaling status quo: ang walang tunay na walang kapantayan sa pagitan ng mga mahihirap (walang ari kundi ang ipinagbibiling lakas/katawan) at mariwasang uring kumokontrol sa lupa, pabrika’t kagamitan sa produksiyon, at kapital. Sa katunayan, ang bilibid ay hindi “koreksiyonal” o humanitaryang institusyon kundi instrumento ng pagsasamantala ng naghaharing uri. Dagdag ni Foucault na kailangan ang kilabot ng “kriminal” at mga delingkuwente upang masuportahan ang badget ng pulisya, bilibid, at monopolisadong dahas ng Estado (42–47).

Sumabog ang riot sa Kabanata 16 na diumano’y pumawi sa lahat ng repormang ginawa ng warden. Napatay ang isang bata. Hindi kataka-taka na palitan si Colonel Cipriano, na nakuhang pagtiwalaan ng mga bilanggo (Kabanata 9–10), habang nagparatang na “Mas maraming kriminal sa labas kaysa sa loob” (97). Humalili ang isang disiplinaryong ahente ng Estado, si Colonel Ambrosio Esteban (155), na di-magluluwat ay papalitan din— ng dating warden. Sirkulasyon ng personnel lamang ito, hindi pagbabago ng tungkulin sa Estado, tulad ng People Power Revolution noong Pebrero 1986. Kaiba ang pagdating ni Joy, orihinal na likha ng lakas-reproduksiyon ng kababaihan—isang mesiyanikong pagsubok sa pagkakasundo ng mga nagtatagisang puwersa.

Pagsalok sa Batis ng Biopolitika

Pinawalang-saysay ng kalikasang makatao ng mga bilanggo ang mina- pakturang bakod at pagpigil ng Estado. Nasubok ang bisa ng katawan ng kababaihan. Sa pagpapatiwakal ni Yolly, at pagbubuntis at panganganak ni Angela, hindi mapipigil ang pagsulong ng kalikasan at metabolikong inter- aksiyon nito sa buhay ng bawat nilalang. Adhika ng pag-inog ng salaysay na maibalik ang pagkawalang-sala ng mga pinaratangang kriminal sa paraan ng pagsilang ng anak, sagisag ng puri at dangal ng sangkatauhang taglay ang lakas-birtud na makalikha ng bagong kaayusan. Kalikasan ang ultimong nagpapasiya.

Pagliripin sa okasyong ito ang isang leitmotif sa nobela: ang kaligtasan ng mga kabaro ni Angela ay nagmula sa pagtatalik na labas/labag sa

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 21

normatibong ugali. Lumilitaw na ang kerida ay siyang Ina ng Aliw ng mga biktima ng Estado, simbolo ng pagbabanyuhay. At sa bisa nito, ang kaniyang inisyatibang nagawa ay pagtatanggol sa sarili, isang karapatang likas ng bawat nilalang. Naturol din na iyon ay pananalig sa instinct o udyok na manatiling nakikipagtulungan sa loob ng komunidad, nagdiriwang sa biyaya, lusog at ligayang dulot ng kalikasan—ang diyalektikang proseso ng suheto/ahente at kapaligirang minana sa tradisyon.

Sa pagpasok pa lamang ni Angela, nahubaran na siya ng dating identidad (“katinuan at pride” [60]) ng barkada ni Barang, at ginawang bandera ng piitan ang kaniyang pulang panty. Nadisiplina ang damdamin at sensibilidad ni Angela sa sapilitang pagsunod sa rutina ng buhay sa bilibid. Bukod sa pagkakaibigan ni Nora, ang lapit/dating ni Viring na pumatay sa asawa (santuwaryo ang bilibid para sa kaniya) ay nagsilbing epektibong paraang iwaksi ni Angela ang parasitikong kapit niya kay Crisanto. Unang hakbang ito sa pagbuwag ng ilusyong sumusuhay sa pagkalugami ng kababaihan. Hindi mapigil ang paglaki ng tiyan ng babae, ang ganting tugon ng kalikasan laban sa artipisyal na limitasyon ng espasyo sa bilibid. Panahon at espasyo ang magkatuwang na lakas sa medyasyon ng sapin-saping kontradiksiyon.

Matapos na ikumpisal ni Angela sa doktor na buntis siya, sumagi sa isip niya ang kolektibong reaksiyon sa istigmatang dumagdag sa kaniyang pagpapaubaya o pagsuko sa kalalakihan: “ang mga pagtuya’t paglibak at kabastusan na aabutin niya. ‘Puta!’ Itatawag sa kanya . . . Bababuyin nila ang relasyon na no’ng pasukin niya’y inakala niyang malinis at sagrado pa rin sa kabila ng lahat” (123). Sa testimonya ni Marilyn Buck, ang bilanggo ay talagang “needy . . . It’s emotionally, psychologically devastating” (49). Sa halip na malapastanganan, sinaklolohan si Angela at sinagip ng kabilanggo at kinalinga patungong destinasyon ng pagkaina at pagkauliran sa pagtataguyod ng sariling dangal, galing, tapang. Mahimalang diyalektika ang mababanaagan sa daloy ng mga pangyayari.

Paggising sa Kamalayan

Sa unang bistahan, nabatid ni Angela ang kontradiksiyon ng karanasan niya. Sinuway niya ang payo ni Atty. Panlileo (libreng abogado para sa walang

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 22

ibayad) na tanggapin ang palsipikadong sakdal upang gumaan ang sentensiya niya. Natutuhan ni Angela ang mapagkunwaring sistema ng hurisprudensi- yang nananaig. Nagpasiya siyang sumalungat sa iminungkahing hakbang na talikuran niya ang katotohanan upang lumaban: “Sa ngalan ng Diyos, isinu- sumpa niyang ipinagtanggol lang niya ang kanyang sarili” (146). Karapat- dapat lamang na tinanggihan niyang aminin ang sakdal. Pagkatapos nito, sumiklab ang riot na ikinasawi ng isang batang ipinagtatanggol ng ama. At bago humupa ang lahat, sumambulat ang galit ni Angela pagkatapos marinig ang mga kasinungalingan ni Crisanto sa pangatlong bistahan—sintomas ng pagsuko ng lalaki sa maperang asawa, at masaklap na pagtanggap ni Angela sa katotohanan.

Tumiwalag na si Angela sa mistipikasyon ng querida system, isang uri ng piecework ng sinaunang yugto ng merkantilismong ekonomiya. Nang marinig ang sentensiya ng hukom, “nagawa pa rin niyang magpakahinahon” (170). Pagmuniin na ang susunod na eksena ay alegorikong pagpapahiwatig sa sitwasyon ng pagkulong (tulad ng sanggol sa sinapupunan/bahay-bata) at reaksiyon ng babae sa di-makataong inhustisyang ipinataw sa kaniya: “Sumaksak sa isip ni Angela kung ano kaya’t ipitin niya hanggang sa mangisay ’tong batang ‘to? Tinangka nga niyang ipitin ang tiyan niya pero sa unang pagkadagan pa lang ay sumipa na ang lokong bata” (171).

Pagtuonan ng pansin itong tagpong nakapupukaw. Metapora ng pag-aklas ng nasusukol ang ipinamalas dito, sagisag ng sitwasyon ng mga bilanggo. Matutukoy din ito na maniobra sa isang transisyon: ang pagsabog ng galit ni Angela at pagtaboy sa anomang sagwil o balakid na gumigipit: “Pahagis na inalis ni Angela ang kumot na nakatakip sa kanya. Pabalikwas na biglang bumangon. . . .Itinulak niya ang mesa, sinipa ang tarima. Inihagis ang unan, kumot, banig . . . tampipi, lahat. Putang-ina nila! EEEEEE” (172–73).

Maisisingit sa okasyong ito ang pandaigdigang pananaw ng awtor. Iniulat ni Lualhati Bautista, sa isang panayam, na dahil “free spirit” siya at claustrophobic, ilag siyang makulong sa isang opisina, iskeydul, o anupamang disiplinang hindi siya ang pumili (Torres-Yu 116). Kahawig niya ang sanggol sa preso ng tiyan ng ina—rebelde, nais makahulagpos at kagyat lumaya. Kaugnay ng pagkakulong kina Amanda Bartolome at Lea Bustamante,

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 23

inadhika ni Bautista na imbentuhin ang kaganapan ng ina/asawa sa isang “real citizen . . . [dahil] committed” (“From Rocking the Cradle” 90). Ipinaglangkap niya ang mapagpalayang politika (“emancipatory politics”) at makabagong “life-politics,” distilasyon ng lumang islogan, “the personal is political” (Giddens 214–15).

Bago pa man dumating sina Angela at sanggol, nagkaisa at nagbagong lubos ang kababaihan sa paghahanda sa mag-ina. Hinagap na nilang makibahagi sa pag-aalaga ng sanggol: “Putang’na, Barang, h’wag ka nang magmumura mula ngayon! Baka ang unang matutunan ng bata, putang ina! . . . At may kasabay ng tawanan . . . Excitement na magdamag nilang pinigil pero sa wakas ay nakaalpas din!” (216), “Nakaalpas din!”—pahiwatig ng mapamaraang pagpupunyagi ng kababaihan. Di ba kakatwa o balighong bulalas ang ordinaryong mura nina Barang at iba pa na halaw pa sa hijo de puta ng Kastila, o sa son of a bitch, na pinaiksi sa putang ina?

Maimumungkahi rito na ang rehistro ng wika ay hindi mapait na sumpa kundi masuyong kasabikan. Signos ito ng lugod at saya sa pagdating ng “Birheng Mariang” dala ang sanggol. Lumapag ang “aura” ng sakramentong ritwal. Tumiwalag ang mga nag-uusap sa normatibong diskurso at tinangkang baliktarin ang kaayusang mapanglupig. Ibang orden ng komunikasyon at panibagong ayos ng pakikipagkapuwa’t pakikitungo ang inadhikang maitatag ng kababaihan kahit na sa lugar at panahong malagim at mabalaho. Kaipala’y lumapag na ang Mesiyas ng Kababaihan.

Sekularisasyon ng Kumpisal

Nabanggit na sa una ang pagtatakip ng aktuwal na motibasyon—ang reporm- istang hakbang ni Colonel Cipriano, ang pagsisinungaling ni Crisanto, atbp. Kaalinsabay nito ang paghubad ng katotohanang nilambungan ng mga nang- yayari sa bilibid. Tumataginting ang matalas na kritika ng dating warden sa Kabanata 26: ibinulgar niya na salapi ang tunay na lakas na nagpapalakad sa buong sistema, pati suhol sa hukom. Walang maibayad na piyansa ang mga pulubing bilanggo. Hinikayat ng konsiyensiya ang warden, patuloy na ibinilad ang tunay na nangyayari sa reporter ng People’s Journal: “Masasalansang n’yo ba ang katotohanan nitong sinasabi ko sa inyo?” (247). Nauna pa rito ang

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 24

pagbukas ng mga kalooban ng mga bilanggo sa kapuwa, ang pagtatapatan, awtentikong komunikasyon: “Natuklasan nilang magagawa rin pala nilang magsabi sa isa’t isa ng kahit pinakatagong isipin at pakiramdam, magbukas ng puso at pati kaluluwa” (224). Sa gitna ng kapaligirang sinukat ng mga bakod, pader, muralya, ang prangkang dayalogo’t pakikibahagi ng isip at kapasiyahan ang paraang sumupling at nagpasigla sa nanlulumong ispiritu ng mga kasambahay sa bilibid.

Naabot na natin ang denouement. Naisantabi ng panahong dumadaloy ang espasyong mapagkupkop. Naisiwalat din sa wakas ang mga sekretong nakaluklok sa likod ng mga namatyagan ng Panoptikon. Uminog ang balangkas ng mga intriga hanggang sa hindi na mailihim ang pagbubuntis ni Angela. Saan patutungo ito kundi sa ospital—sa pelikula, sa zoo/kulungang pang-exhibit ng mga hayop, talinghaga ng mabangis na lipunan—kung saan ang nakatagong katotohanan ay nakatambad?

Ang mga Kabanata 20 at 21 sa ospital ay tanawing inihambing sa katayan: parang mga hayup ang nakatiwangwang sa pagmamasid ng mga nars, doktor at iba pang katulong—kwalipikasyon sa talinghagang Madonna/Pieta, kumbensiyonal na mekanismong pang-akit sa madlang lubog pa sa lumang pananampalataya. Ibang eskema ng Panopticon ang ospital; pagmamatyag at kontrol ng katawan at kilos ang intensiyon din.

Ang charity ward ng Fabella Hospital ay simetrikal sa pagtrato sa mga katawan na dapat disiplinahin. Sa kabilang dako, antitetikal o umaayaw ito sa paglapat ng repormistang kabatiran hinggil sa panganganak. Bagamat ang awtoridad ng doktor ay kahalintulad ng warden, dulot nito ay kalusugan at kaligtasan ng mga ina, kaakibat sa payo ukol sa paano makatutulong sa pagkontrol sa panganganak sa kapakanan ng pampamilyang pagtitipid. Sa ibang pagkakataon, hihimayin natin ang mga simbolo’t retorikang mapapag- aralan dito sa eksena ng ospital na hinabi rin sa modelo ng sistemang penal/ karseral.

Samantala, naghihintay ang kasukdulang antas ng pagsilang ng bilanggo bilang ina. Matiyagang pagnilayin ang kaso ni Angela—na bagong tao na, sa pakiwari niya (206)—na naipasa kay Atty. Evangeline Jacob sa pamamagitan ninaMrs.PerezatPadreEusebio.Anggampaninngmgakursilistaatsimbahan

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 25

ay tagapamagitan, medyasyon, sa diyalektika ng nagtatagisang puwersa: ng kinagisnang ugali at espontaneong enerhiya, rasyonal na repleksiyon at libidong simbuyo, paniniwalang tradisyonal at rebolusyonaryong mithiin.

Mahihinuhang isang metamorposis ang paglipat ng antas ni Angela mula dalaga hanggang ina. Unawain natin ang implikasyon nito. Pumapatnubay sa lahat ang hangaring malutas ang problema ng kasariang dinikta ng pamilihan at petisismo-ng-kalakal (commodity- fetishism): ang diktadura ng patriyarkal na awtoridad sa representasyon ng bilibid at pasistang operasyon nito sa neokolonya. Nakataya ang husga sa simbolikong diskurso ng maternidad.

Nagsimula ang kumpisal-sekular ni Angela kay Atty. Jacob. Hinimok niyang ikuwento sa abogado ang talagang nangyari, “walang labis, walang kulang . . . ang retrato ng relasyon” ni Angela kay Crisanto (208). Sinalat ang udyok ng pagkalalaki ni Crisanto bagamat “namamanginoon” sa asawang kumokontrol ng hanapbuhay. Salapi ang nagbibigay-halaga sa tao sa sistemang kapitalista. Ang karapatan ni Angelang ipagtanggol ang sarili ay kinulapulan ng unang hukom ng malisyosong intensiyon: planong pumatay kay Adela. Nasakyan ni Atty. Jacob ang katotohanan: na “Pinagusot ng mga kasinungalingan at tusong pagliligaw ng ilang may kinalaman sa pakiwal- kiwal na takbo ng mga pangyayari” (209). Nadalumat ni Atty. Jacob na sa ilalim o likod ng penomenang nakikita ay gumagalaw ang mga puwersang nagbabaluktot sa harapang pakikitungo ng mga tao sa tiwaling pamamalakad ng oligarkiyang pangkat na minorya sa lipunan.

Kontra sa alyenasyon at anomalyang namamayani sa korte at labas ng kuta ng gobyerno ang pagkakasundo ng mga bilanggo. Nabanggit na natin ang pagkakaibigan at tapatan ng mga babaing binuklod ng isang tadhana. Ang kumpisal-tapatan ay gumanang metodo/paraan na maisiwalat ang kontradiksiyong panlipunan na naliliman ng kumbensiyonal na representasyon sa wika/salita. Ang naikintal na sintesis ng mga kontradiksiyon ay tumingkad sa tunggalian ng kababaihan at patriyarkal na awtoridad ng mapinsalang Estado at oligarkiyang umuugit nito. Pinakamasidhing mithiin ng nobelista ang maipakita ang galaw at direksiyon ng nasabing kontradiksiyon sa mga eksenang pinagdugtong- dugtong sa nobela.

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 26

Balik-Aral sa Praktika ng Pagdisiplina

Hindi kalabisan ang repaso ng mga proposisyong nailatag sa umpisa. Dumako tayo sa matalinong estratehiya sa paglalantad ng institusyon ng bilangguan bilang mabisang instrumento ng makapangyarihang bloke sa propaganda nitong ito ay demokratiko, makatarungan, at walang kinikilingan. Nasipat na natin ito sa legalistikong metodo ng paghahati ng tao sa dalawang kategorya: kriminal o normal na mamamayan. Sa ultimong pagtimbang, lumilitaw na pamumukod iyon ng mariwasa at salat.

Tunay na makauri ang hustisya. Kailangan ang bilibid upang maihiwalay ang uring may- ari at uring dalita, uring may salapi/kapangyarihan at uring subordinado sa kanila. Natatakipan ito ng sistema ng batas, korte, pulisya, hurisprudensiya, at kostumbreng minana sa lumang orden. Nang tumiwalag si Colonal Ambrosio at muling hinirang ng Mayor si Colonel Cipriano, sa bisa ng demanda ng mga bilanggo, dulot nito ay ilusyon ng pagbabago. Subalit ang bunga nito ay hindi inaakala: naipagtibay ang katotohanan ng kabulukang itinatago ng nakatambad na madayang kaayusan ng gobyerno at pamamalakad nito na ibinunyag sa digmaang nangyayari araw-araw sa City Jail.

Samantala, tinanggap ang apela para sa retrial. Malabo’t alanganin pa rin ang sitwasyon ni Angela at anak; nagbabanta ang mga ahente ng bahay- ampunan, isang bilibid para sa mga sibol ng delingkuwenteng magulang. Tutol si Angela na isuko ang anak na parang tutang iniwan sa lansangan, mga hayop na walang memorya o pangarap. Magkasaklob ang sanggol at pagkatao ng ina, tila kaluluwa at katawang magkakapit. Nasiyasat na natin ang halaga ng pag- aari sa sistemang kapitalismo: walang pribadong pag-aaring mapagtutubuan ang manggagawa kundi lakas-paggawa (domestikong trabaho sa tahanan ng babae), na binibili ng kapitalistang nakamana o nakaipon ng pambayad (Figes; Davis).

Sa makabagong milyu natin, nakakulong pa rin sa domestikong rehimen ang babae, kahit na may hanap-buhay sa labas. Naiulat ni Bautista sa akdang Hinugot sa Tadyang na ang babae ay pambayad lamang sa utang habang ang lalaki ay tagadala ng pangalan ng ama at ng dangal ng pamilya o angkan (8–9). Sa kamalasan, ang problemang naisadula rito ay konektado sa karapatang panatilihin ang pagsasama ng ina’t anak. Hindi pag-aari ang anak, sa tingin

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 27

ng publiko. Subalit ayon sa batas, hindi dapat mamalagi ang anak sa bilibid sapagkat walang serbisyo at kagamitan para alagaan ang anak doon. Hindi maganda ang impluwensiyang masasagap doon sa loob. Idiniin ito ng warden at lalo na ng social worker, si Ginang Juanica Bartolome, at isang madre sa Hospicio de San Jose bilang testigo sa panig ng Estado (259–60). Sinalungat sila ni Colonel Cipriano na mas mapanganib sa labas kaysa sa loob ng bilibid. Dagdag niya, mahirap uling maibalik ang anak kung ilalagak na sa ampunan dahil sa masalimuot na burokrasya at mabangis na kapaligiran. Muli, nawasak ang artipisyal na hangganang itinayo ng awtoridad at hurisprudensiyang burgis.

Dambuhalang suliranin ang binalikat nina Angela at mga kabilanggo— sina Nora, Viring, atbp. na nagsusog ng iba’t ibang alternatibong solusyon. Napagpasiyahan ni Angela na ang pagmamahal ay hindi sapat na magpalaki at magturo sa anak. Himala na si Joy ang puwersang di lamang nagpasigla kundi nagpahinahon at nagpatino sa lahat sa solidaridad at damayang naranasan nila sa hunger strike at pagkalinga sa mag-ina. Tila mesiyas na lumapag sa entablado ng City Jail. Likas na simpatiya at pagmamalasakit ang nasaksihan natin.

Panata sa Pagbaklas at Pagtakwil

Sumukdol sa krisis ng tanong: kanino ang anak? Sino ang makikinabang sa reproduktibong lakas ng kababaihan? Nasadlak sa krisis ang lahat kung saan mapupunta si Joy—sa ampunan o sa mga kaibigang nag-aalay—nagkaroon ng pagkakataong malutas din ni Angela ang pag-estima sa sitwasyon niya bilang “kalaguyo” o kerida lamang at hindi babaeng taglay ang kasarinlan (self-de- termination). Alyenado sa ama at walang pera o ari-arian, lumagpak na si Angela sa saray ng pinakadukha.

Sa Kabanata 30, nang ibalita ni Joanna na handang sustentuhan ni Crisanto ang anak nila sa pribadong ampunan, hindi sa charity, kinutya ni Angela si Crisanto na sa mag-asawa, si Crisanto ang “naka-panty” (287) dahil hindi niya matanggap na nakiapid siya. Hindi katakataka: maka- lalaki pa rin ang istandard ni Angela. Hindi sapat ang tumira sa bilibid ng isang taon lamang. Natuklasan din niyang gahaman si Joanna’t hindi niya mapapagkatiwalaan. Tuluyang naibulgar na kapalit ng pekeng “kabutihang- loob” ang pagsuko ni Angela upang matapos ang eskandalo ng sistemang

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 28

kerida. Sukli niya sa alok ni Crisanto: “Hindi pa tapos ang laban namin . . . Madali lang kamong maging ama! Maski aso, nagiging ama!” (289–90). Hindi ang ina.

Ang suliranin o dilema ni Angela bilang kerida ay nailahad ng abogado ni Adela Pagtalunan, ang asawa ni Crisanto. Sinalungguhitan niya na si Angela “ay kalaguyo ng asawa ng nagsasakdal. Alam ni Angela mula’t sapul na may asawa ang kanyang katipan at sino mang babaing nasa ganitong kalagayan ay tiyak na nakaaalam din sa peligrong sugurin siya ano mang oras ng asawa ng kanyang kalaguyo” (295). Labanan ito ng mga babae sa pag-angkin sa isang lalaking obheto na sa tingin nila’y makapupuno sa kanilang kawalan o kakulangan. Isang palaisipan ang naibunsod dito. Sa diskurso ng nobelista, ang kerida ay babaing tumutukso at humahatak sa lalaki sa pagkakasala. Narito ang kuro-kuro ni Bautista sa institusyong halaw sa Kanluran:

Ang salitang kerida, binasa ko sa internet, ay may Spanish origin na ang kahulugan pala ay beloved, bukod sa ito ay pangalan ng babae. Pero ang kahulugan sa atin ay other woman. Kabit. Mang-aagaw ng asawa. At dahil sila ang kontrabida sa buhay ng isang mag-asawa, karaniwang walang simpatiya sa kanila ang mga tao. Ang kerida ang inaaway, ang minumura, minamasama at sinisisi sa kaapihan ng kapwa babae at pagkasira ng isang pamilya (Hinugot 124).

Isang enigmatikong papel ang ginagampanan ng kerida: mahalay, taglay ang masamang bisyo (alak, sigarilyo), glamoroso ang buhay kaya nakaeenganyo— kung mayaman ang lalaki—pero kung mahirap, “cheap.” Walang pagkutya si Bautista sa kalagayan ni Angela dahil “iisa lang ang kalagayan ng asawa at ng kerida, nagkaiba lang ng tawag sa kanila…Pareho lang silang naghahangad na sa kanya na pumirmi ang lalaki . . . Pero lagi na, sa lalaki lang kahanga-hanga ang magkaroon ng kerida, o mga kerida . . . pero ibang usapan pagdating sa babae” (134–37).

May bahid ng romantikong aura ang kontrabida, isang bayani rin sa digmaang pangkasarian. Nabanggit ni Bautista ang kaso ni Senador Leila de Lima na binastos at nilapastangan ni Presidente Duterte sanhi ng diumanong pakikipagrelasyon niya sa drayber na sinuportahan niya. Samakatwid, ang

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 29

kategorya ng uring panlipunan, ang lugar sa herarkiya ng mayroon at wala, ang nagpapasiya kung kahiya-hiya o tanggap ang relasyong nasabi.

Maipapalagay na sa patriyarkal na pananaw—saksi na ang lalaking warden, guwardiya, doktor, huwes, atbp.—tinuturing ang kerida na pag-aaring maidi- display o magagamit na isang bagay o instrumento sa negosyo, karera, o anupamang mapagtutubuan. Hindi kahiya-hiya dahil simbolo ng tagumpay, ngunit hindi ibinabandila bilang aristokratikong idea ng pagkalalaki.

Maipapalagay na ang proyekto ni Angela ay pamumuhay na kagalang- galang—isang respetableng burgis. Ang pagpupunyaging maging bagong tao, isang taong may pagsasarili’t dignidad, may dunong at galing, ay tanging hangaring umugit sa pagpupursigi ni Angelang maging mahinahon, sensitibo, at mabuting makitungo sa mga kasama sa bilangguan. Hindi siya nagpabayang maakit sa gilas nina Barang, o magpaubayang maging kalunos- lunos na biktima. Sinikap niyang ipagtanggol ang sariling dangal sa harap ng tukso, iringan, kabastusan sa bilibid, sa ospital, sa tanggapan ng mga opisyal, sa bulwagan ng hukuman. Walang pasubaling natural iyon sa babaing nagbuhat sa uring manggagawa, o mababang antas ng panggitnang-uri (ang ama niya ay OFW sa Saudi). Konsekwensiya ito ng ordeng mapagsamantala, tagibang na ugnayan ng mga grupo sa kapitalistang lipunan.

Tipikal na burukratang burges ang huwes sa nobela. Hindi ako sang- ayon na ang kilos ni Angela ay sanhi ng “instinct of survival,” ng pagdepensa sa sariling buhay, isang indibidwalistikong pagtataguyod ng sariling kapakanan. Sumilang na bagong tao si Angela bilang ina—si Joy, ang sanggol, ang nagdulot sa kaniya ng okasyon upang magpundar ng bagong ayos ng pamumuhay (206). Hindi na siya kontento sa dating sitwasyong nakubakob siya ng lalaki. Nakasentro na siya ngayon sa pag-aruga sa sanggol at pagkalinga sa kaniyang bagong personalidad.

Pagtawid sa Sangandaan ng Krisis

Mahihinuha na ang pagsiyasat natin sa dalawang panig ng mundo—ang nasa loob at nasa labas ng bilibid—ay nagbunsod sa pagtalakay sa tema ng pagbabago, transpormasyon, at pag-iiba. Resulta ito ng mga hidwaan at oposisyon ng mga paniniwala’t damdaming nasipat na natin. Mapagmumuni

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 30

na ito ang simbuyong lumaganap sa tuwa ng lahat na mabalitaang magaan ang parusang ipinataw kay Angela “on humanitarian grounds.” Ang nirebisang parusa kaipala’y umaayon sa repormistang pananaw na bukal sa pagtatayo ng asilo sa mga baliw at repormatoryo (bilibid) sa mga lumabag sa batas— paksang nagalugad na sa pambungad ng diskurso. Maitanong natin: Bakit hindi multa lamang ang ipinataw ng hukuman? Sino ang talagang nag-ayos ng sirkunstansiyang nagtungo sa pananakit?

Gayunman, nakasilid din dito ang utopikong pagnanais makatakas sa impiyerno ng kasalukuyang kaayusan. Mababanaagan ang masugid na mensahe ng pista ng Pasko at Bagong Taon. Pakiramdaman ang tagubilin o pagsamo sa talatang pangwakas ng nobela na nagpapaalala ng di-patas na sitwasyon ng kababaihan at kalalakihan—hanggang hindi nangyayari ang radikal na pagbabanyuhay ng lahat:

Libong salamat. Madali lang maging ama, tulad ng sabi ni Angela. Pero hindi gano’n sa kaso ng isang babae. Kasabay ng pagsilang ng isang anak. masasabing isinisilang din ang isang ina. Sa iba’t ibang paraan. Madugo’t masakit. Mahapdi’t makirot. Na nagsisilbing simula ng isang bagong papel sa buhay. Bagong direksiyon. Bagong pag-asa.

Bagong pagkatao. (307)

Nauwi ang lahat sa simpleng pagdakila sa maternidad. Sayang kaya ang masalimuot na pakikibaka ng mga sawimpalad sa loob at labas ng bilibid? Ilang tanong ang dapat pagtuunan ng malalim na pagsusuri kung importanteng maliwanagan sa hiwaga ng kasarian sa neokolonyang bayan. Maipapalagay kaya ang pagkiling na ito’y pagdakila sa pagka-ina o maternidad? Ito ba’y pahiwatig na hindi desbentaha ang mamalagi sa domestikong larang na mababa ang pagtimbang?

Ayon sa pagsasaliksik ni Delia Aguilar, ang subordinasyon ng kababaihan ay nagbubuhat sa depinisyon ng babae bilang ina’t maybahay, limitado sa paglilingkod sa pamilya at patriyarkiya. Iyon ang domestikong bilibid na dapat takasan. Tiyak na ang kasarian ay relasyong sosyal, ugnayang panlipunan, na kaakibat ng moda ng produksiyong umiiral. Sa gayon, nakatakda ang sitwasyon ng kababaihan sa di-pantay na dibisyon ng gawain, samakatwid,

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 31

paghahati ng kapangyarihan at yaman (tingnan ang puna ni Torres-Yu; hinggil sa “social reproduction feminism,” sangguniin sina Martinez, Vogel, Haug).

Lagom at Tagubiling Proposisyon

Palasak nang ituro sa makabagong silid-aralan na huwag maghanap ng turo sa gawang-pagpapakahulugan sa panitikan. Hindi kailangang humanap ng leksiyong moral mula sa pagkilatis at pagtarok sa halaga ng anumang likhang- sining. Huwag maghinuha na ito ang pakay ng interpretasyong nailahad dito. Hindi rin ito ang mapupulot sa progresibo’t postmodernong ermenyutika. Gayunpaman, sikapin nating ibuod sa ilang proposisyon ang pangunahing tema sa banghay ng nobela, na kaugnay ng adhikain ng may-akda sa paghabi ng mga karakter, pakiramdaman, usapan, pangyayari, at kaganapan sa hugis at ayos ng talambuhay. Balak nating tiyakin ang “interpretant” (sa depinisyon ni C. S. Peirce na nag-uugnay sa salita at reperensiya) na iminungkahi dito sa proseso ng pagsusuri sa mga tauhan at kaganapan kaakibat ng sari-saring aspekto ng ideolohiyang nasasangkot (San Juan, Peirce’s Pragmaticism).

Muli nating analisahin ang itinakdang lugar, ang sistemang penal ng bilibid at estruktura ng rehimeng nagpapaandar dito. Alinsunod sa disenyo ng bilibid na dokumentado sa kasaysayan, layon nito ay hindi parusa sa katawan o pagbitay kundi repormasyon ng kriminal at pagpigil sa krimeng binabalak pa lamang. Ngunit di maikakaila na parusa pa rin at retribusyon ang motibasyon. Kaipala, walang inosenteng nabilanggo; nagkasala lahat. Puna ng ACLU: “Reformation and rehabilitation is the rhetoric; systematic dehumanization is the reality” (Rudovsky 11; Day). Iba ang nakaharap na napapanood kaysa sa nakatagong realidad.

Sa radikal na pagtatasa, ang silbi ng aparato at teknolohiya ng bilibid ay magparusa sa katawan at diwa, sa pagpataw ng takot, pighati, poot, matinding pananakit, pagkalugami, kawalan ng pag-asa. Hindi pagwawasto o panggagamot ng sakit ang mapapala (Foucault 42– 43; Davis). Tratong busabos o alipin ng Estado ang mga bilanggo, hawak ng mga administrador ng bilibid ang kapangyarihang abusadohin ang mga bilanggo—talagang binawian ng anumang karapatan sila at mahigpit na kontrolado. Trato silang

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 32

mga bagay na puwedeng lapastanganin kailanman. Walang pasubali na ang kolonyang “koreksiyonal” ay institusyong totalitaryan. Siguro masahol pa ito kaysa sa impyiernong ginuguni natin. Walang dapat gawin kundi buwagin at sunugin ang institusyong ito na sadyang buktot at inutil.

Natunghayan natin na uminog ang buhay ng mga bilanggo mula alitan ng barkada, indibidwalistikong paligsahan, pakikihamok, atbp., tungo sa pagmamalasakit sa kapuwa at pagkakapalagayang-loob. Nasaksihan natin ang pagtutulungan, simpatiya, damayan, at pagsasanib ng mga bilanggo upang makamit ang kaunting kaluwagan at kahilingan. Sinagisag ng organikong pagkabuntis ni Angela ang daloy ng panahon; hindi na walang laman ang espasyo ng bilibid kundi napuno’t umapaw sa kalinga’t pagmamahal. Dumanas ng metamorposis ang pakikitungo ng isa’t isa—nina Barang at Tonya, nina Viring at Nora. Naging kolektibong organo ang lahat, nagkadaupang-palad ang marami, pati mga guwardiya, sa pagdating ni Joy—isang sakramentong kaganapan.

Ang presensiya ni Angela ay inilarawan na isang Birhen sa prusisyon; ang anak ay nagmistulang avatar ni Kristo. Isang himala ang pumukaw at gumising sa buong larangan: umaklas ang madla, naibalik si Colonel Cipriano, naging maunawain sina Padre Eusebio at peryodista; naging tagapamagitan ang mga kursilista; pumasok si Atty. Evangelina Jacob, at nagdaos ng retrial. Sa mga tinahing eksena, naging krusada ang kaso ni Angela para maisalba ang anak sa lagim ng paghuli nito’t paglagak sa bahay-ampunan, isang tipo rin ng bilangguan.

Sa dagling balik-tanaw, mapupuna na multidimensiyonal ang balangkas ng mga pangyayari. Baka makatulong ang diyagramang kakabit dito, eskematikong lagom ng mga gampanin ng mga tauhan at kontradiksiyong konseptuwal na siyang gumagana bilang nakabaong lohika ng narasyon. Baka mapakinabangan ito bilang gabay sa pag-urirat ng mga nagsalabat na figura, imahen, retorika at talinghaga na salik ng kaayusang simbolikong pangkasariang itinanghal sa nobela (tingnan ang larawan 1).

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 33

Lar. 1. Diyagrama ng simbolikong daigdig at konstelasyon ng ideolohiyang ugat ng teorya- praktika ng nobela.

Kalikasan ang nag-udyok ng pagbabagong-buhay ni Angela mula sa pagkasawi bilang kerida/kabit ng patriyarkal na orden. Balintuna o balighong ikot ng pangyayari sa kamalayan ni Angela: “Siya, si Angela Gutierrez, isang karaniwang tao lamang, isang taong kokonti lang ang pinag-aralan at hindi mo papansinin pag nasalubong mo sa kalye, isang miserableng tao, na sa buong buhay niya’y walang binatbat, nakagawa ng tao?” (198). Oo, pero siya lang mag-isa? Natural, hindi lamang siya—ang panganganak ng tao ay isang pangyayari o pagkakataong makahulugan sa loob ng lipunan (Vogel; Aguilar, “Questionable Claims”). Ang pagbubuntis at panganganak ay isang pangyayaring tigib ng signipikasyong sosyo-politikal at pangkasaysayan.

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 34

Hindi hayop ang nagsilang kay Joy. Tiyak na isang ilusyon ang pag-angkin ni Angela na siya lamang ang responsable doon. Sa pag-iisa niya sa ospital, sumibol ang ilusyon na siya lang ang may kagagawan ng lahat. Alam na natin ang pakikipagtalik niya kay Crisanto, ang tulong ng mga kasama sa bilangguan, ang tungkuling ginanap ng ospital at mga guwardiya, atbp. Gayunman, ang anak at ina ay produkto ng kaayusang historiko-politikal. Sila sa pusod ng kalikasan ang tumupad ng paraan upang maunawaan ang saysay at katuturan ng mga pangyayaring hinuhubog ng mga puwersang lingid sa kaalaman ng tao—mga puwersang sosyohistoriko tulad ng bilibid, ospital, sistemang kerida, batas at hukuman, operasyon ng negosyong Bits and Pieces, trapik sa lansangan, atbp.

Postscript at Memorandum

Laruin natin ang ilang ideya. Si Joy ang ipinanukalang Mesiyas na inaasahang lulutas sa nagsalabit na kontradiksiyong natunghayan na natin. Matagumpay kaya ito sa pagsasanib ng sindak at awa, takot at habag, na magkasalungat na damdaming napukaw sa mambabasa? Makahulugan o makatuturan ba ang kinahinatnan?

Binigyan ni Susan Sontag sa kaniyang Regarding the Pain of Others ang paksang ito tungkol sa dating o talab ng potograpiya at diskurso ng kapahamakan. Akma rito ang kuro-kuro niya:

People can turn off [TV, media] not just because a steady diet of images of violence has made them indifferent but because they are afraid . . . Our sympathy proclaims our innocence as well as our impotence . . . To set aside the sympathy we extend to others beset by war and murderous politics for a reflection on how our privileges are located on the same map as their suffering, and may . . . be linked to their suffering, as the wealth of some may imply the destitution of others, is a task for which the painful stirring images supply only an initial spark. (100–03)

Magkakaugnay ang lahat sa totalidad ng ating pagsusuri’t pagtimbang sa mga karakter, tagpo, at tema ng nobela.

Naiugnay ang mga kontradiksiyong tematiko sa prosesong diyalektikal. Nagbunsod ang balangkas ng pagkikipagsapalaran ni Angela sa transpormasyon

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 35

ng bilangguan at ng kaniyang katayuan. Hindi lamang naipakita na may sariling lakas/kapangyarihan ang mga bilanggo bilang mga taong may isip, sentido komun, damdamin, at katutubong galing. Naitampok na taglay din nila ang kakayahang mangatwiran, maghusga, magpasiya, umaksiyon. Bagamat kontrolado ng Estado at naghaharing-uri ang kabatiran at teknolohiya ng regulasyon hinggil sa katawan, kaisipan at damdamin na kinasangkapan upang yumari at diktahan ang suheto/ahente, masasabing taglay pa rin ng suhetong naikintal ang abilidad at lakas na sumalungat, tumutol, tumanggi, lumaban. Bawat opresyon ay may katugmang rebelyon. Iyon ang masining na alegoryang mensahe na naisaayos at nadulutan ng integrasyong masining sa bawat episodyo ng nobela.

Sa huling pagtatasa, ang patalastas ng nobela ay imbokasyong ipagpatuloy at paunlarin ang programa ng pakikibaka. Sa muling pagdalaw natin sa institusyon ng bilangguan, dapat nating isaulo na ang binansagang krimen o delingkuwensiya ay malabo’t balintuna. Iyon ay sintomas ng malubhang sakit ng ating kapaligiran at senyal nga iyon ng pagsisikap nating malutas ang mga malubhang problemang sumisikil sa potensiyal ng buong sangkatauhan.

Ang degradasyon ng uring anakpawis, kompetisyon/awayan sa paghahanap-buhay sa lipunang nakapako sa akumulasyon ng kapital/tubo, ay nagpalala sa egotistikong gawi at digmaan ng mga imperyalistang Estado.

Sa Kanluran noong nagdaang siglo, lumaganap ang krimen sa industriyalisadong bansa. Sa Pilipinas, sa malalaking lunsod pagkatatag ng aministrasyong Amerikano noong 1900 hanggang 1946, lumago ang krimen laban sa pribadong pag-aari (Agoncillo at Alfonso). Katambal nito ang paghigpit ng kontrol sa lakas-paggawa (lalo na sa katawan ng mga babaeng maralita), na tuloy nagbunga sa diskriminasyon laban sa mga babaeng sinamantala ng mga lalaking nawalan ng trabaho at dignidad. Imperatibo sa ordeng ito ang programang ibalik ang totem ng angkang patriyarkal at igupo ang Karapatang-Ina (Mother-Right), at ang feministang kilusang sumupling dito.

Napuna ni Marx na sa punto-de-bista ng burgesya, sanhi sa pangangailangan ng mas epektibong institusyong penal, sumulong ang teknolohiya at pagkatarok na ang batas— ideolohiya at kaakibat na praktika—

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 36

ang nagpapasiya kung ano ang normal na ugali at kung alin ang lihis o lisyang gawa (Foley). Sino ang lumihis sa normatibong gawi at sino ang maghuhusga? Isang matinik na problema, paalaala ng nobela, ang proyektong pagbuwag sa bilangguan at pagpundar ng makataong kaayusan—isang komunidad na walang pribadong pag-aari, walang mayaman at pulubi, patas ang ugnayan, magkakatuwang ang lahat ng miyembro ng komunidad kung saan lahat ng bagay ay nagsisilbing tuwa, lugod, aliw, kaligayahan para sa lahat. Ito ang di-matatakasang hamon at tagubilin ng Bulaklak sa City Jail.

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 37

Sanggunian

Adler, Mortimer. Great Ideas From the Great Books. Washington Square Press, 1967. Agoncillo, Teodoro, at Oscar Alfonso. History of the Filipino People. Malaya Books,

1967.
Aguilar, Delia. Toward a Nationalist Feminism. Giraffe Press, 1998.
———. “Questionable Claims.” Women and Globalization, inedit nina Delia Aguilar at

Anne Lacsamana, Humanity Books, 2004.
Alfaro, Ma. Rita Arce. “Human Rights Behind Bards: The Manila City Jail

Experience.” Focus, blg. 39, Mar. 2005.
Bautista, Lualhati. “From Rocking the Cradle to Rocking the Boat.” Sarilaya: Women

in Arts and Media, inedit nina Sr. Mary John Mananzan et al. St. Scholastica’s

College, 1989.
———. Buwan, Buwan, Hulugan Mo Ako ng Sundang. Anvil Publishing, 1991.
———. Bulaklak sa City Jail. C & E Publishing, 2006.
———. HInugot sa Tadyang. Dekada Publishing, 2016.
———. “Lualhati Bautista: Tinig ng Pangalawang Henerasyon.” Sarilaysay, ni Rosario

Torres- Yu. Anvil Publishing, 2000.
———. “Lakas ng Feministant Makabayan Laban sa Patriyarkang Diktadurya ng

Imperyo: Pagsubok sa Interpretasyon ng Dekada ’70 ni Lualhati Bautista.” Akda,

tomo 2, blg. 1, Abr. 2022, 1–18.
Bautista, Mario. “Review: “Bulaklak sa City Jail.” The Philippines Daily Express, 1984,

8.
Burgos, Edita, editor. Pagtatagpo sa Kabilang Dulo. Pamilya ng Desaparecidos, 2009. Clark, Lorenne. “Women and Locke: Who Owns the Apples in the Garden of Eden?”

The Sexism of Social and Political Theory, inedit nina Lorenne M.G. Clark at Lynda

Lange, U of Toronto P, 1979.
Cloke, Ken. “The Economic Basis of Law and State.” Law and the People, inedit ni

Robert Lefcourt. Random House, 1971.
Crockett, George W. “Criminal Justice in Chna.” Far East Reporter, Hun. 1976, 3–17. David, Joel. “Bulaklak sa City Jail.” The Urian Anthology 1980–89. Urian, 1989. Davis, Angela. The Angela Y. Davis Reader. Blackwell,1998.
Davis, Leonard. Revolutionary Struggle in the Philippines. London: Macmillan, 1989. Day, Susie. “Cruel but Not Unusual: The Punishment of Women in U.S. Prisons.”

Monthly Review, Hul.–Ago. 2001, 42–55.
de Vera, Adora Faye. “Ang Hindi Tradisyunal na Tradisyon ni Kasamang Maita.”

Maita: Remembering Ka Dolor, inedit nina Elisa Lubi at Judy Taguiwalo. Tanggol

Bayi Philippines, 2013.
Eviota, Elizabeth. The Political Economy of Gender. Zed Books, 1992.

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 38

Federici, Silvia and George Caffentzis. “The Death Penalty and Globalization in Nigeria, the United States, and Europe.” Monthly Review, tomo 53, blg. 3, Hul.– Ago. 2001, 100–13.

Figes, Eva. Patriarchal Attitudes. Fawcett Publications, 1970.
Foley, Duncan. “Crime.” A Dictionary of Marxist Thought, inedit ni Tom Bottomore.

Harvard UP, 1983.
Forbes, W. Cameron. The Phlippine Islands. Revised ed., Harvard UP, 1945. Foucault, Michel. Discipline and Punish: The Birth of Prison. Allen Lane, 1977. ———. Power/Knowledge: Selected Interviews and Other Writings 1972–1977. Pantheon

Books, 1980.
Free Legal Assistance Group. Know Your Rights! Ang Ating Mga Karapatan. Manila:

Philippine Center for Investigative Journalism, 2013.
Giddens, Anthony. Modernity and Self-Identity. Stanford UP, 1991.
Goodall, Jane. “Helping Kin in Chimpanzees.” Ethics, inedit ni Peter Singer, Oxford

UP, 1994.
Harper, Peter, and Laurie Fullerton. Philippines Handbook. Moon Publications, 1996. Haug, Frigga. “Thirteen Theses of Marxism-Feminism.” MR Online, 15 Nob. 2021. Ipong, Angie B., at Marcelino Marata. A Red Rose for Andrea: Writings from Prison.

With Mars Marata and Other Political Prisoners. Southern Voices Printing Press,

2012.
Lim, Bliss Cua. “True Fictions: Women’s Narratives and Historical Trauma.” The

Velvet Light Trap, tomo 45, tagsibol 2000, 62–75.
Marshall, Gordon. “Crime.” A Dictionary of Sociology, Oxford UP, 1988.
Martinez, Josefina L. “Social Reproduction Feminism or Socialist Feminism?” Left

Voice Magazine, Mayo 2021, http://www.leftvoice.org/2021/05/20.
McCoy, Alfred. Policing America’s Empire: The United States, the Philippines, and the Rise

of the Surveillance State. U of Wisconsin P, 2009.
Monthly Review Editors. “”Prisons and Executions—the U.S. Model: A Historical

Introduction.” Monthly Review, tomo 53, blg. 3, Hul.–Ago. 2001, 1–18. Morawski, Stefan. “Introduction.” Marx and Engels on Literature and Art, inedit nina

Lee Baxandall atStefan Morawski. Telos Press, 1973.
Pomeroy, William. Bilanggo: Life as a Political Prisoner in the Philippines 1952–1962. U of

the Philippines P, 2009.
Reiman, Jeffrey. “The Marxian Critique of Criminal Justice.” Radical Philosophy of

Law, inedit nina David Caudill at Stephen Jay Gold, New Jersey Humanities

Press, 1995, pp. 111– 39.
Roces, Alfredo, at Grace Roces. Culture Shock! Philippines. Times Books

International, 1986.

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 39

Roxas, Melissa C. “Affidavit.” Quezon City, Pilipinas, 29 Mayo 2009. Nakadetalye ang danas ni Roxas sa sulat ng kaniyang abogadong sina Paul Hoffman & Victoria Don ng Schonbrun DeSimone Seplow Harris Hoffman & Harrison Law Office, 24 August 2011, ipinadala sa UN Special Rapporteur on Torture, UN Office of High Commissioner for Human Rights, Geneva, Switzerland.

Rudovsky, David, et al. The Rights of Prisoners: An American Civil Liberties Union Handbook. Avon Books, 1977.

Salman, Michael. “Nothing Without Labor”: Penology, Discipline and Independence in the Philippines under United States Rule.” Discrepant Histories, inedit ni Vicente Rafael. Philadelphia: Temple UP, 1995.

Salud, Joel Pablo. “The Timelessness of Lualhati Bautista.” Philippines Graphic, 2 Hun. 2018.

San Juan, E. “Pagdulog sa ’Gapô ni Lualhati Bautista: Rasismo, Maskulinistang Ideolohiya, at Himagsik ng Anakpawis sa Isang Alegoryang Pambansa.” Malay, tomo 34, blg. 2, 2022, 1–15.

———. Maelstrom Over the Killing Fields. Pantas Press, 2022.
———. “Paano Ginawa ang Bata, Bata…Likhaan, tomo 15, 2021, 19–38.
———. Panimulang Pagsubok sa Interpretasyon ng Panulat ni Lualhati Bautista.”

Daluyan, tomo 27, blg. 1, 2021, 60–79.
———. “Brutalizing Women Political Prisoners in the Philippines.” Countercurrents, 1

Okt. 2022, 1–9. countercurrents.org/en/brutalizing-women-political-prisoners-

in-the- philippines/html.
———. Peirce’s Pragmaticism: A Radical Perspective. Lexington Books, 2022. Scholes, Robert, at Robert Kellogg. The Nature of Narrative. Oxford UP, 1966. Sontag, Susan. Regarding the Pain of Others. Picador, 2003.
Smart, Barry. Michel Foucault.Tavistock Publications, 1985. Torres-Yu, Rose.

Alinagnag. Manila: UST P, 2011.
Vogel, Lise. Woman Questions: Essays for a Materialist Feminism.Routledge, 1995.

Vyas, Karishma. “Locked Up: Inside Manila City Jail.” Al Jazeera, 17 Dis. 2018. http://www.aljazeera.com/feature/2018/12//17/lockedup-inside-manila-city-jail/

RodrigoDuterte.
Wacquant, Loic. “The New ‘Peculiar Institution’: On the Prison as Surrogate Ghetto.”

Theoretical Criminology, tomo 4, blg. 3, 2000, 377–89.

SAN JUAN: PAGSALUBONG SA MESIYAS UNITAS 40

About philcsc

E.SAN JUAN, Jr. directs the Philippines Cultural Studies Center, Washington DC, USA and lectures at the Polytechnic University of the Philippines, Manila, Philippines.
This entry was posted in DISCOURSES ON CONTRADICTIONS. Bookmark the permalink.