BAKAS–tula ni E. San Juan,Jr.


BAKAS:  Dalumat ng Gunita’t Hinagap, Memorya ng Kinabukasan

— ni  E. SAN JUAN, Jr.

tapaya_mural

 

  1. AVENIDA RIZAL, STA. CRUZ (1938-1944)

Buhay ay pakikipagsapalaran, lihis sa iyong pagnanais o pagnanasa

Pook na dinatnan ay hindi nakaguhit sa dibdib, balintunang hinala

Pook na binagwis ng alaala’t pag-aasam

Tumatawid sa agwat/puwang ng panahong gumugulong sa buhangin

Nakalingon habang dumudukwang sa agos ng alon—

anong kahulugan ng pagsubok at pangakong itinalaga ng panahon?

Tayo ba ang umuugit sa daluyong ng kapalaran?

Lumilihis sa bawat liko, sa bawat sandali nag-iiwan ng bakas ang katawan

Sa bawat sulok, matatagpuan ang uling/alabok ng buong kasaysayan—

Bumabagtas sa bawa’t yugto ang tunggalian ng uri, saan kang panig makik

isangkot, kaya kailangang magpasiya

Upang masunggaban ang sungay ng tadhana, ikawing ito

sa ating adhika’t pangangailangan ng komunidad—

Tanong mo’y saan? Sagot ko’y kailan?  Bibingka ng hari, di mahati-hati….

Tuwing umaga’y nalalanghap ang anghot ng ihi’t dumi ng kabayo

     sa kuwadra ng San Lazaro tabi ng Oroquieta Ospital ang kinagisnan—

Agwat/puwang ng panahon, kaluluwang humibik

     sa pagitan ng Tayabas at Batangas, bininyagan sa Iglesiya Espiritu Santo

Kapagkwa’y tumawid at naipit sa riles ng Blumentritt at estero ng Dimasalang

malapit sa pugad ng pampang si Marina noong 1945….

—“dala-dala’y buslo…pagdating sa dulo”—

Sa mga eskinita lumalagos ang bango ng piniritong isda’t ginisang bawang 

sibuyas   kamatis  luya

Sa bingguhan asaran biruan ng mga kamag-anak 

Amoy ng dura’t pawis masangsang na putik sa harap ng 2121 Avenida Rizal

    kung saan napanood ang prusisyon ng libing ni Manuel Quezon

Kakatwang estranghero ang sumaksi sa tahanang

ginawang motel para sa ‘short-time” tipanan ng magtatalik—

Agwat ng umaga’t dapithapon sa naghihintay na musmos, binibilang ang patak 

ng ulan

Puwang ng paglalaro sa lansangan ng Tayuman at Bambang, inaabangan—

Sakaling wala ang ina’t ama, “buhok ni Adan hindi mabilang,”

himutok ng ulilang musmos

Sagisag na walang lakas hubugin ang daloy ng karanasan, biktima ng pangya yaring

    matagal ang panahon ng pagkagulang, nabulabog sa bawat gulong ng trapik….

Gayunpaman, nabaluktot sa balisa’t di-pagkakapalagay, stigmata sa gunita:

Unti-unting nahuhulog kumpol-kumpol ang dilawang bulaklak ng punong-akasya

     sa harap ng dungawang tila masamyong dibdib ni Nena, nag-alagang katu

long, mangyaring pagpalain  ng Inang Kalikasan

ang kaniyang mairuging kaluluwa.

 

2.   MONTALBAN, RIZAL (1945-1950)

Bukal ang kinabukasan sa iyong gunita, sa tukso ng pag-asa

Sa guni-guni, tila huni ng ibon sa bulaos ng kalabaw tungo sa ilog Pasig

Bumubuhos sa Montalban, agos ng panahong sumusukat sa isip

Tinutugis ang kaganapang bulong at anasan ng mga nagdarasal

sa sementeryo ng La Loma…

Lalakarin daw ang haba ng dinulang, doon masusulyapan ang Irog

bago manampalok—Sinampal muna bago inalok?

Halinghing ng kabayo sa gubat  ungol ng baboy aso’t manukan

Pangarap ng paglalayag habang nakadukwang sa estero ng Reina Regente

gumagapang  gumagala sa Binondo San Nicolas Dibisorya

Takas, pumipiglas—

Pinaulanan ng bala ng gerilyang Huk ang PC istasyon sa munisipyo ng Montalban

—hindi lamang pito ang baril nila, di lamang siyam ang sundang—

Taginting ng salapi’y hungkag sa hinagap ng Boddhisatvang umakyat

sa lambak doon sa Wawa kung saan

nagkublli sina Andres Bonifacio’t at mga gerilyang Katipunan….

Umahon mula sa kabilang ibayo ang kamalayang sumasagap sa tinig ng panata

     hindi mula sa Benares o Herusalem kundi sa Sierra Madre

upang humabi ng sutrang kayumanggi mula sa tadhanang gumugulong….

Sunggaban ang suwag ng kapalarang naligaw sa rumaragasang unos

Malayo na sa kilabot ng mga Hapong umurong sa Wawa

Pinaligiran ng tropang Amerikano, sindak ng imperyalismong sumasabog…

Gumising doon sa bukang-liwayway ng Liberasyon at tuloy sa dagundong

   ng magulong Maynila, sunog sa Korea at Arayat

  mabilis pa sa alaskuwatrong tumungo sa sinehang Lotus at Noli

Kung saan narinig ang “Fascination” nina Dinah Shore at Belle Gonzales—

Bigkasin mo ang pangalan ng mga kolaboreytor at bayaning nagbuwis ng 

buhay….

Ngayon ay alingawngaw ng panahong

Lumikha sa mga pangyayaring

Lihis sa iyong pangarap at panimdim

Kapwa ninais at pinilit

Kapwa tinaggap at tinanggihan: kailan? saan?

Sa pag-inog ng pakikipagsapalarang tila walang simula’t katapusan.

 

 

3.  BALINTAWAK, QUEZON CITY  (1951-54)

Pangangailangan  ang umuusig sa pagkikipagsapalaran, gumaganap ang bu

lag na simbuyo

Sa daluhong ng kasaysayan, hindi maiiwasan o maitatakwil

Kaya ang sumunod sa nesesidad ay malaya’t magpapalaya

sa kahinugan ng panahon, pahiwatig ng mga pantas….

Sumisingit sa baklad ng gunitang balintuwad:

Minsan tinapos ko ang Crime and Punishment ni Dostoevsky

isang hapong maalinsangan

Di ko malilimutan ito, gabi na ng ibaling ang paningin sa bintana

Lihim na pagkahumaling ko kay Esther Deniega (lumisan na) ay iburol sa ba

long. malalim, punong-puno ng patalim, balong hindi malingon

Tulad ng pagsasama namin nina Ernie at Pete Daroy

Sa limbo ng mga pagliliwaliw, sa impiyerno ng mga pag-aalinlangan at 

agam-agam

Mabuhay kayong mga itinapon,

Nakarating na kayo sa ipinangakong himpilan, ipinaginip na himlayan.

“Dalawang pipit, nagtitimbangan sa isang siit, sumusungit ng bituin”

Di nagluwat, sumabak sa pakikibaka laban sa US-Marcos diktadurya—

Minagaling ang basag kaysa baong walang lamat

Sapagkat sa kaibuturan ng aksidente, pagbabakasakali, namumutawi

ang siglang pagbubuhatan ng tagumpay ng ating minimithi,

Hindi salita kundi hibo’t hikayat ng panaginip at guniguni, matris ng himagsikan,

ang lugar ng panahong nahinog sa yapos at aruga

ng mga magulang at mga gurong nagmalasakit…

 

Huwang mong basahin ito

Tatak ng titik  titik ng tiktik

Huwag tingnan  huwag sipatin

Huwag silipin  huwag sulyapan

Tatak ng titik  titik ng tiktik

Huwag mong titigan  baka ka malikmata’t maalimpungatan….

Asul ang kulay ng langit sa parang at lambak ng Diliman—

Aso ko sa pantalan, lumukad ng pitong balon, humugos sa pitong gubat

bago natanaw ang dagat—

Walang katuturan ang panahon kung walang pangarap o pag-asa

Pagnanais ang matris ng pangyayari, pagnanasa ang ina ng katuparan

Kabiyak na niyog, magdamag na kinayod,

Naghasik ng mais, pagkaumaga ay palis—

Huli ng balintataw ang mailap na buntala ng iyong mithing talinghaga,

pangarap ng pithayang alumpihit pumaimbulog sa kawalan.

4.  CRAIG, SAMPALOC, MAYNILA (1955-60)

….Subalit ang kalayaang magpasiya’y nagkabisa

Sa isang tiyak na pook at itinakdang pagkakataon

Bagamat limitado ang kapangyarihang umalsa’t bumalikwas

Walang pangyayaring magaganap kung wala ka,

Sintang itinapon sa gitna ng maburak na Pasig.

Bumagsak ang eruplano ni Magsaysay ngunit nkalimutan

na ang CiA ahenteng Lansdale, sa gayon

Neokolonyang teritoryo pa rin tayo hanggang ngayon….

Agos de pataranta sa Palomares at Gardeniang dinalaw ng mga GI

pagkatapos sumuko si Aguinaldo’t nawala si David Fagen

Magkabalikat kami nina Ernie at David Bunao sa bilyaran sa Quiapo

Di inalintana kung may hirap, hanapin ang ginhawa 

Aralin ng pakikipag-ugnayan sa Culi-Culi, Marikina, massage parlor sa Raon

Walang matimtimang birhen sa lagalag na kaluluwang naghuhunos

Di bumibilang ng bukas-makalawa upang paraanin ang nagparaan—

Walang matiyagang hayup sa magayumang kalapating sumasayad sa pam

pang….

Shantih   Shantih      Weiilala  leia        Wallala  leialala   

Bago umakyat sa Baguio, tumawid kami sa Tayug, Pangasinan, nina Mario Alcantara

at Pablo Ocampo, kumakampanya para kina Recto-Tanada

Hindi ko batid noon na malapit sa Binalonan, bayan ni Carlos Bulosan….

Noong 1972 ko na lang napag-alaman ito sa lilim ng Pulang Bandila

Lumangoy at lumutang sa usok sa Luneta’t daungan ng Manila Bay

Tudyo’t halakhak ng mga kaibigang nakausad mula sa Tundo hanggang

Sta Cruz  & Quiapo & Escolta patungong Binondo

Tatlong bundok ang tinibag bago dumating nang dagat

Walastik, para kina T.S. Eliot Joyce Nietzsche Sartre, tapos ang boksing sa

Sarili

Walastik, naghalo ang balat at tinalupan sa turo ng pilosopong galing sa Popular Bookstore

Di naglaon, tumubo ang sungay at tumindi ang pagnanasang makahulagpos

—“karga nang karga, kahit walang upa” ang islogan ng anarkista

bago sa engkuwentro kina Marx Engels Lenin Lukacs noong dekada 

1965-72…

 

Pumalaot na mula sa daungan ng Subic Bay

Lupa’t tubig ang nakalunsad

Apog at asin sa lagusan

Tinalunton ang landas pabulaos mula sa Ilog Montalban

Halos magkandarapa  halos sumubsob

Hindi pa nakaraos

Hindi pa natutuklasan: kutob, ligamgam

Hangin at apoy ang bumuhos

Hindi pa yari ang proyektong idaraos

Pumalaot na sa hanggahang di-abot-tanaw

Humugos sa dalampasigan

Tubig  lupa   hangin   apoy   

Apoy  hangin  apoy

__________________________________________________________________

Tungkol sa Awtor

Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. San Juan, Jr. ay emeritus professor ng English Literature, Ethnic Studies, & Comparative Literature, University of Connecticut at Washington State University; at dating fellow ng W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University; professorial lecturer, Polytechnic University of the Philippines, at visiting professor of English, University of the Philippines (2018). 9Awtor siya ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Filipinas Everywhere (De La Salle University Publishing House), Between Empire and Insurgency (University of the Philippines Press), U.S. Imperialism and Revolution in the Philippines (Pagrave), Learning from the Philippine Diaspora (U.S.T. Press), Carlos Bulosan: A Critical Appraisal (Peter Lang), and Racism and the Filipino Diaspora (Ateneo de Naga Press). Muling ipinalimbag ng U.S.T. UNITAS ang 1988 libro niyang Subversions of Desire: Prolegomena to Nick Joaquin (Ateneo University Press). Ilan sa mga kalipunan ng mga tula niya sa Filipino ang nailunsad kamakailan: Ulikba (U.S.T. Press), Kundiman sa Gitna ng Karimlan (U.P. Press), Ambil (Philippines Studies Center), at Bakas Alingawngaw (Ateneo U Press).

__________________________________________

First published in UNITAS (2018),98-113; included in Bakas, Alingawngaw (Ateneo U Press, 2019).

About philcsc

E.SAN JUAN, Jr. directs the Philippines Cultural Studies Center, Washington DC, USA and lectures at the Polytechnic University of the Philippines, Manila, Philippines.
This entry was posted in DISCOURSES ON CONTRADICTIONS. Bookmark the permalink.