Review of E. San Juan’s WALA, poems in Filipino, by Nonilon Queano


dscn0114

 

MULA SA MANDUDULA AT MUSIKERONG NONI QUEANO

       Undergrad ako sa UP Diliman nang mabasa ko ang isa sa mga unang aklat ni Dr. E. San Juan Jr. na may titulong, The Art of Oscar Wilde na ginawan ko ng rebyung nalathala sa Philippine Collegian.  Mga tatlumpong-taon mula noon, naging guro ko siya sa CL 398 sa UP Diliman pa rin para sa Ph.D. degree ko sa English at Comparative Literature.  Sa mahabang panahon, nabasa ko rin ang mga sanaysay at pag-aaral niya ukol sa Kultura at Panitikang Pilipino, at hinangaan  ang kanyang malalim at masigasig na mga pag-aaral na nakapagpayaman sa mga  pamantayan sa kritisismo hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’ibang panig ng mundo.

        Ikinatutuwa at ikinararangal kong matunghayan ngayon ang kanyang mga bagong obra, partikular na ang mga tula, sa koleksiyong tinawag niyang, Wala, na unang tingin’y nagpaalaala sa aking ng mga dibuhong modernismo sa panitikan, tulad, halimbawa ng nihilism sa panitikang Ruso.  Ngunit taliwas sa eksistensiyal angst o epektong absurdismo, ang mga tula ni Prop. San Juan, ay malinaw na may pinag-uugatan sa lipunan at praktikal na buhay ng Pilipino.   Una-una, sa paggamit niya ng mga bugtong at talinhaga na marami’y hango rin sa katutubong tradisyon at kulturang Pilipino.—hal., noong bata ako narinig ko na ang bugtong sa pagsasaing ng bigas sa tongko sa abuhan, particular, ang linyang, “Nakaupo si maitim, sinusulot ni mapula, si maputi’y tawang-tawa,” atbp. – at ang mga alaalang ganoon ay nagpapatingkad sa estetikong aliw at pagkaunawa sa mga tula.  Nababago ni San Juan ang ilang “canon” o pamantayan sa pagbasa ng tula dito, samakatwid, mula sa pangkaraniwan o tradisyonal, halimbawa, sa tula bilang daluyan ng damdamin (gaya sa tradisyong romantiko, hal. nina Wordsworth o Keats), o kahit sa imahismo.  

        Dahil sa gamit ng mga palaisipan at talinhaga, tila deretsahang tundos sa isipan at pagmumuni ang estetikong pag-unawa at aliw na dulot ng mga tula, sa halip na mang-antig o maglambitin muna sa damdamin.  Gayunman, mula sa palaisipan, luminya ang mga tula lalo na sa hulihan sa pagtukoy ng mga pangkasalukuyang usaping panlipunan –laluna, yaong sa Mindanao, tulad ng insidente sa Mamasapao at pagpaslang kay Marwan, atbp.  Malinaw ang mapanghimagsik na pakikisangkot at tuwirang pagturol – sa kabila ng balintunang imahen, hal., sa “neo-konseptuwalistang pinakbet,” – sa mga usaping panlipunan, kahit na hindi maikakaila ang post-modernismong hagupit at disenyo  na tiyak na ipinapakita, laluna, ng grupo ng mga tula – “halaw,” ang ilan, aniya sa ibang makata’t intelektuwal – sa mga hulihang pahina ng aklat.

— NONILON V. QUEANO, Ph.D.   

SanJuan_cover2-page-0

Advertisements

About philcsc

E.SAN JUAN, Jr. directs the Philippines Cultural Studies Center, Washington DC, USA and lectures at the Polytechnic University of the Philippines, Manila, Philippines.
This entry was posted in DISCOURSES ON CONTRADICTIONS. Bookmark the permalink.