LAMBAT NG BAHAG-HARI ni E. SAN JUAN, Jr.


tapaya_muralLAMBAT NG BAHAG-HARI: Katumbalikan sa Teorya & Praktika

 

 

ni E. SAN JUAN,Jr.+++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++


A. PAIN
Anak na di paluhain, ina’t asawa ang patatangisin–
Walang ligaya sa lupa na di dinilig ng balde-baldeng luha–

Dagat binubuo ng patak ng tubig, bundok ng buto’t bungong maliliit–
Maliit man daw ang sili may anghang na angking sarili–

Malaki man at buhanghang, daig ang munting aring siksikan–
Munti ma’t matindi, daig ang nagmamalaki–

Mababaw man ang sugat, malalim ang ugat ng gurlis at pilat–
Sugat na inilihim at tinakpan, gumaling ma’y balantukan–

Kung minsan ang awa ay nagiging iwa, pasaling ma’y humihiwa–
Nasa tuldik ang awa, nasa lumagda ang gawa, siya nawa–
B. LANSI
Hindi lahat ng batid o wani kailangang ipagsulit—
Walang humawak ng kalan o nanghimasok sa luto na di naulingan.

Bawat palayok daw ay may kasukat na suklob, isinukat na tungtong.
Sumala ang sandok sa palayok, gusing lihim ang nadukot.

Sala sa lamig, sala sa init, sa pagmumura nagkasala’y nahuhuli–
Walang masamang kanya, walang mabuti sa iba, pag-aayaw-ayawin pa ba?

Malabis na pag-asa, laging pangangarap, dalamhati ang ibubunga.

Batong-buhay ka man na sakdal tigas, unti-unting patak ng dura
tuloy maaagnas–
Biyayang apoy at habagat, batuta man ay pinalalambot.

Humahabol ay nahuli sa unang humarurot sa pagsisisi.
Walang unang sisi sa huling pangyayari, mayroon sa unang pagkawili.

Bakit ka pa magsisisi, gayong napariwara’t di na makangisi.

C. SILO

Kung mayroong itinanim, tila hindi tiyak na may aanihin–
Kapag may isinuksok sa dingding, kailangan pa bang tingalain?

Kung hangin ang itinanim, baka tsunami ang aanihin–
Hanging pabula-bulangit, sandaling sakdal tuwid, kadalasa’y pilipit–

Nagkamali ang hilot sa isinuksok, ay naku! sa puwit nadukot–
Ang sukli ng isang nasa kamao, higit sa ipinangakong dalawa o tatlo–

Iba na ang isang hawak sa palad kaysa sandamakmak na lumilipad–

Walang mailap na baboy-ramo sa matiyagang patay-gutom–
Iba ang pugong huli na kumpara sa sungayang dadakpin pa–

Walang umani ng tuwa na di sa hinagpis naipunla–
Kung hiwaga ang itinanim, baka himala’t masungit na aswang ang anihin–
D. DAYA
Kapag iniamba dapat na itaga, kapag itinaga, maipatataga–

Ang anumang gawin, makapito mong isipin kung di ka pa nabigti–
Kung magagawa at di gawin, di na magagawa kahiman ibigin–

Tikatik man kung panay ang ulan, nakapinid na pilik-mata’y mapapaapaw–
Anumang gawang dinali-dali, malimit mangyari’y di mayayari’t tuloy lugi–

Hanap lamang ay hamog, putragis, buong katawan sa tubig naanod-

Kung di makipagsapalaran, di makatatawid sa magkaibayong karagatan–
Kaya maligo ka sa linaw, kahit duling o bulag, sa labo magbanlaw–

Kung ang hirap ay masasal na, bisperas na kaya ng ginhawa?–##

About philcsc

E.SAN JUAN, Jr. directs the Philippines Cultural Studies Center, Washington DC, USA and lectures at the Polytechnic University of the Philippines, Manila, Philippines.
This entry was posted in AESTHETICS, DISCOURSES ON CONTRADICTIONS, EXTRAPOLATIONS, FILIPINO, POETICS, SEMIOTICS. Bookmark the permalink.

One Response to LAMBAT NG BAHAG-HARI ni E. SAN JUAN, Jr.

Comments are closed.