JURAMENTADO! tula ni E. San Juan, Jr.


vinta

 

Sabi ng mga magulang natin, takbo pag nakakita ng Moro–juramentado iyon!
Hadji Kamlon–takbo!
Jabidah–takbo!
Dumarating sina Nur Misuari & Hashim Salamat–Hura? Huramentado?
Tapos si Marcos, tapos si Cory Aquino, dumating ang Al-Qaeda
O sige, bumaba sa Bud Dajo at Bud “Weiser” ang Abu Sayyaf–
Abdurarajak Janjalani–Khadaffy Janjalani–takbo!
Baka Taliban, takbo!
Pirata sa Palawan, takbo!

Dumating ang US Special Forcs & drone, todas na ang Abu Sayyaf–
Napatay ng AFP si Zulfik bin Abdulhim alyas Marwan
Pero nabuhay raw muli–takbo na naman!
Saksi ang midya, walang duda, ibinigay sa AFP ang 1.5 milyong dolyar–
Iusod ang siwang ng sepulkro sa Camp Abubakar, nabuhay raw muli!
Resureksiyon!
Takbo muli! Aswang ng Abu Sayyaf? Kulam ni Osama bin laden?
Jihad ni Ampatuan?
Hura! Hura! Huramentado!

Nagtampisaw si Marwan sa lagusang masikip sa gubat ni Florante’t Aladin
Nanlilimahid ang bakas ng balakyot na “terorista”
Ibinurol si Zulfik, sayang–kailan babangon muli?
Saan, sinong pumuslit ng 1.5 milyong dolyar?
Bakas at bakat, tiyak na babalik habang umaakyat sa Bud Bagsak….
Nabubulok ang mga pinugutang bangkay ng AFP sa Basilan at Sulu….

Di naglao’y nagkapuwang si Marwan, magaling yumari ng bomba–
Tugisin ang pork-barrel ng USA, takbo!
Takbo, mabuhay si Zulfik!
Takbo, aswang o mangkukulam ng Jemaah Islamiyah, mabuhay!
Takbo, nariyan si Obamang may suhol na dolyar para sa AFP–
Huramentado ni BS Aquino at mga heneral ng AFP?
Juramentado ng trapo’t burokrata kapitalista?
Masaker nina Hen. John Pershing at Leonard Wood? Ulit na naman?
Sa gubat ng Sabah o Zamboanga? Ampat, ampatin ang dugo….

Alahu Akbar,
Tiyak ang resureksiyon nina Zulfik at mga kasama–
Hanggang may salapi, walang patid ang takbuhan at patayan–
Ikaw na Kristyanong mambabasa, kapatid ng mga heneral at trapo,
Di biro, hindi ba huramentado ka rin? –##

About philcsc

E.SAN JUAN, Jr. directs the Philippines Cultural Studies Center, Washington DC, USA and lectures at the Polytechnic University of the Philippines, Manila, Philippines.
This entry was posted in DISCOURSES ON CONTRADICTIONS. Bookmark the permalink.