IPAUBAYA SA ULIKBA–tula ni E. San Juan, Jr.


                  IPAUBAYA  SA  ULIKBA

                         ni E. San Juan, Jr.

 

Nag-uulik-ulik pa sa larong paghuli sa Adarna

Habang dinuro ng udyok ng balahibong gayuma

Hibong pumukaw sa ubod-usbong ng kaluluwa

 

Tumakas ang sutlang bagwis, umaalimbukay

 

Ulilang lumipad sa kasukdulang aliw ng ulirat

Tumakas at nagkubli sa ulbong hinabi’t

Hinubog sa pugad ng duguang matris ng guniguni—

 

Sa ugnayang magdamag, umaalingawngaw ang pakpak

 

Kung saan umuukilkil ang uha ng sanggol

Tuksong umugit sa panimdim at umulos sa budhi

Ulinigin ang pagaspas ng sutlang bagwis, umaarangkada–

 

Habang nagtatalik ang buwan at araw sa nagluksang balat-kayo—

 

Nabulabog sa hibong ugong ng uyaying tukso

Ungol ungal ng inang nabuntis sa pag-uulik-ulik

Karamay magdamag, naghunos sa ulbong kinamulatan—

 

Sino’ng huhuli sa libog ng diwang pumaimbulog?

 

Usigin ang hiwagang lulan ng gumiring takipsilim–

Urong-uod sa dahas ng utak ang makatang ulol

Nasilo ng gayumang umigkas sa duguang taring

 

Hulog ang kaliskis ng hayop panaginip ang umaga.

 

                                                            Image

About philcsc

E.SAN JUAN, Jr. directs the Philippines Cultural Studies Center, Washington DC, USA and lectures at the Polytechnic University of the Philippines, Manila, Philippines.
This entry was posted in DISCOURSES ON CONTRADICTIONS. Bookmark the permalink.