SALUD ALGABRE & iba pang mga tula — E. SAN JUAN, Jr.



SALUD ALGABRE, BABAENG MANDIRIGMA

At iba pang bagong tula

E. SAN JUAN, Jr.

MGA NILALAMAN

1 Salud Algabre, Babaeng Mandirigma
2 Punta Spartivento
3 Balikbayang Sinta
4 Baguhin Mo ang Iyong Buhay
5 Politika ng Kasaysayan
6 Nagtatanong ang Mga Mangingisda sa Guimaras
7 Hintay, Sandali Lamang, O Birheng Walang Awa
8 Sipatin ang Iglap
9 Oplan Bantay Laya, Sumalangit Nawa
10 Biyernes ng Hapon
11 Sikaping Magpatuloy
12 Isang Eksena Mula sa Las Vegas, Nevada
13 Wowowoweeeee!
14 Pagpupugay kay Kasamang Monico Atienza
15 Naligaw Sa Nagsalimbayang Hibla ng Iyong Buhok
16 Pagninilay
17 Bago Ideklara ang “Emergency Rule”
18 Nakahahawang Ngiti ang Pagbati Mo Sa Amin, Dolores
19 Masaker Sa Mendiola
20 Sa Mga Yapak ng Paraluman, Namamaalam
21 Mahigit Bayani, Pakiramdam Ko
22 Kababalaghan ng Paru-Parong Makulit
23 Alingawngaw
24 Kung Baga sa Hamog
25 Hahamakin Lahat, Masunod Ka Lamang
26 Pahimakas sa Pagpasok ng Bagong Taon
27 Kayumangging Manlalakbay Sa Panahon ng Akwaryus
28 Kung Sa Letra’y Sumala
29 Bulaklak ng Droga Handog ng Anarkista ng Milenyum
30 Ang Parabula ng Manlilikha
31 Uyaying Naghahanap ng Makabagong Kantor
32 Pamamanhik Sa Bawat Sandaling Tayo’y Naghihiwalay
33 Sabwatan Sa Kataksilan
34 Mahal, Dahil sa Nahubang Kagandahan
35 Sumpa o Dasal
36 Palayain si Kasamang Crispin Beltran
37 Kaputol na Hiwa
38 Mula sa Gumuhong Kuta sa Hardin ng Villa Serbelloni
39 Ihasik Himagsik Bumibigsik
40 Singaw
41 Habang Tinatalunton
42 Pamana ni Ka Armando Teng
43 Markang Ekis sa Noo ng Pusakal sa Payatas
44 Pamana ni Ka Cherith Dayrit
45 Gayuman ng Birhen ng Huling Saklolo
46 Ang Damuneneng Ko
47 Hindi Dumaan sa Butas ng Karayom
48 Hubad na Mutyang Unti-unting Bumababa
49 Tigil, Walang Hiyang Musa
50. Tag-sibol sa Den Haag, Nederland, 25 Marso 2007

TUNGKOL SA AWTOR

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

SALUD ALGABRE, BABAENG MANDIRIGMA

Anong kapangahasan Apoy ng kababaihan

Biruing ibulalas: “Walang sayang, hoy! Bawat siklab ng pagbabalikwas ay pagsulong
sa wastong direksyon—“

Mula Cabiao, Nueva Ecija hanggang Sta. Rosa, Laguna
Ilang titis lamang, sumiklab ang rumaragasang sunog
lampas na sa hanggahang naigpawan, di nasayang

Anong kapangahasang lumagablab
tumutupok sa bawat sagwil ng pulis at militar
Mapangahas na nagliliyab ang parang dagat lunsod
mula Bontoc hanggang Tawi-tawi, di nasayang

Sa pinagkiskis na buto’t laman ng ilanlibong inang nagdiringas dumadarang

Apoy ni Salud Algabre Alab ng ilanlibong babaing naghihimagsik

Gumigising sa mga nabuwal sa dilim ng pagkaduhagi’t pagkaamis
Bumabangon mula sa gabi ng pagkaalipin at pagdadalamhati
Binubulabog ang luksang bilanggo’t kuta ng mga salaring nasayang
Nagpupumiglas upang matamo ang luwalhati’t sayang pinapaginipan

“Walang sayang—“

Sa bawat kiskis

tumitilampon ang titis,

ang sayang
pinakamimithi

PUNTA SPARTIVENTO –

“Walang pag-aalsang nasasayang….Bawat isa’y hakbang sa wastong direksyon.”
—Salud Algabre

Kamusmusa’y pinaglahuan, Mahal ko,
Nahubdang kariktan ng lawa bundok ulap ang pinagpalang dulot sa atin ng kalikasan
Sa kabilang ibayo nagliliyab ang mga bulaklak sagisag ng biyayang ipinangako….

Ngunit anong bagwis ng lumipas ang sumisingit
lumalambong sa ganda’t aliwalas ng ating pagtatagpo?
bumibiyak sa pinagbuklod na pagnanais, humahati sa pinagtipan?

Nagugunita ang mga pinagmalupitang “ininis sa hukay ng dusa’t pighati”….
Alaala ng kinabukasan—
anong balitang bulalas ng dumaragsang hangin?

Pinatay sina Juvy Magsino, Benjaline Hernandez, Eden Marcellana, Rafael Bangit, Alyce Claver….

Sa dalampasigan ng Punta Spartivento, nagtatagpo’t naghihiwalay ang alon—
sa kaliwa o sa kanan, hayun at naryan– tila baga walang pagpapasiya,
itinutulak sa kaliwa o kinakabig sa kanan
pinaghahati ng tadhana o kapalaran?
itinitulak ng pagkamuhi, kinakabig ng pagmimithi?

Anong layag ang pumalaot sa kabilang pampang—urong sulong pataas pababa?

Kukong dayukdok ng mandaragit ang humahagupit ngayon–

Halos di madalumat ng manlalakbay ang krimeng naganap at nagaganap–
755 pinatay, 181 dinukot at pinagsamantalahan–
Nasayang ba, Salud?

“Buhay ma’y abuting magkalagot-lagut”—ilan pang hakbang?

Dumurugtong ang inabot ng mga hinagupit ng walang-katarungang orden,
Iniuugnay ng mga pinaglaho’t nilunod ng kabuktutan….

Agaw-dilim sa Punta Spartivento….
humahati’t bumibiyak sa agos ng karanasan….
Sa pangungulila, kumikintal sa budhi ang mga mandirigmang sumakabilang buhay
Nakaigpaw sa kuko’t pangil ng daungang humahati’t naghihiwalay–

Mahal ko, sa iyong labi namilaylay ang bukang-liwayway ng biyayang ipinangako,
inilagak sa hiwa ng dalamhati’t luwalhati, ng kailangan at di-kailangan,
ng walang halaga at may halaga, habang magkayapos, tiim ang bagang,
sumasagupa sa buhawi ng dalampasigan….

Pinagpala ang ilanlibong mamamayang biktima ng mga oligarko’t komprador
sa biyak ng kahapong lumubog at ng kinabukasang pumapaimbulog

Pinagpala ang mga kasamang naghiwalay at humati, nagbukod at bumiyak

Makikilala din ang umiwas at ang dumulog, ang nakihamok at ang tumiwalag,

Magtatagpo ang lahat sa Punta Spartivento ng himagsikan.

[Bellagio, Italya, Setyembre 2006]

BALIKBAYANG SINTA

Lumipad ka na patungong Roma at London
Balisang nakalingon sa ulap lulan ng naglaboy na panaginip
Lubog sa alaala ng kinabukasang unti-unting nalulunod

Lumipad ka na patungong Riyadh at Qatar
Sa pagkamulat kukurap-kurap sa pagtulog puso’y nagsisikip
Binabagabag ng sumpang naligaw sa salawahang paglalakbay

Lumipad ka na patungong Toronto at New York
Tinutugis ang biyayang mailap nabulusok sa patibong ng banyaga
Sa ulilang pugad anong maamong pag-asa ang nabulabog

Lumipad ka na patungong Chicago at San Francisco
Kumakaway ka pa tiwalang may katuparang babati ng “Mabuhay!”
Alinlangang luha’y naglambitin sa bahag-hari ng bawat yapos

Lumipad ka na patungong Hong Kong at Tokyo
“Di kita malilimot”–pumaimbulog ang tukso ng nabitiwang paalam
Nabakling pakpak usok sa bagwis inalagwang talulot ng bituing nasunog

Lumipad ka na patungong Sydney at Taipeh
Ay naku, anong panganib ng gayumang sa pangarap nagkupkop
Ibon kang nagpumiglas alay mo’y talim ng paglayang nilalangit

Lumipad ka, O sintang mahal, ngunit saang kandungan ka lalapag?
Bumabalik sa dalampasigang hulog ng iyong hinasang pagtitiis
Aking kaluluwang hiniwa’t
ikinalat sa bawat sulok ng daigdig

BAGUHIN MO ANG IYONG BUHAY

“Masdan ninyo ang mga ibon….”

Bago magpantay ang paa

lumikas ka mula sa lugar ng engkuwentrong
pinaghaluan ng balat at tinalupan
Walang tanglaw sa pakikipagtipan
ayaw tumawad sa sugal ng maskarang mapagpanggap

Kinalawang na ang puso
nilagok ang apdong hinugot sa kung saang tadyang

Gumulong ang tadhanang palabiro, humihimok
Kawing-kawing ang himutok
Mula sa kumuno’y pabulaos—

Busabos ng palad, bakit mo tinitiis? Kailangan, kailangan ang paghuhunos

Namamalahibo, isingkaw mo ang nakaumang na pangil, isingkaw

At huwag sumuko sa kabuktutan

Walang tiyak na katubusan kaya itakwil ang larong mapanlinlang
ng mandarayang kaulayaw

Masahol pa sa lambutsingan ng hayop at malansang isda

Iligtas mo ang puso sa tukso ng Aprodayteng iniluwa ng dagat-bula—

Ano’t maghuhunos-dili o mag-aatubili?

Baguhin mo ang iyong buhay!
Oo, baguhin natin ang lahat
sa mapagpalayang pagbubuklod
at pagbabalikwas—

POLITIKA NG KASAYSAYAN

Narito ang isang taong namumulot ng panggatong sa siga
Doon nama’y isang masayang tumutugtog ng gitara

(Patay ka, bata ka!)

Umiindak sa musika habang nakabilad sa darang ng siga—
Maligayang nilikhang walang alalahanin habang naglalaro

(Oy, pwede ba, pambihira ka naman)

Dito ang manggagawang pawisan sa paglikom ng panggatong sa siga

(Makulit ka talaga, Oy, naku)

Nilalang na nagbanat ng buto, nakagulapay,
ngunit walang naranasang
ligaya o init
sa gitarang kinakalabit….

NAGTATANONG ANG MGA MANGINGISDA SA GUIMARAS

Pumalaot kaming tangay ng alon, haplos ng mabiyayang kalikasan

hanggang barahin ng ilan libong isdang inaanod, lumulutang—

(Ang tubig ma’y malalim malilirip kung libdin)

Ay, bahong nakapanglulunos–
Korales na naging uling
Kinulapulan ng kalawang ang damong-dagat—
Ay, Diyos ko, anong balahong bumagsak dito?

(Katitibay ka tulos sakaling datnang agos
ako’y mumunting lumot sa iyo’y pupulupot)

Anong biyayang sumambulat—kaninong budhing maliwag paghanapin?

Itanong kay Reyna Lara Quigaman, Miss International ng globalisasyon
Itanong kay Manny Pacquiao, kampyon din ng sampung milyong OFWs

Ang tubig ma’y malalim malilirip kung libdin….

Lunday kong aanud-anod pinihaw ng balaklaot)

Pero huwag, huwag itanong sa Presidente sampu ng kanyang mga Heneral–

HUWAG
HUWAG PO
NAKU PO–
Baka ikulapol sa inyo ang ilang medalya ng Order of Lakandula
Baka isapangkaterbang bariles ng langis ang ipabuya’t ipaubaya sa inyo!

(Ay, pinihaw ng balaklaot—
Ay, pinuluputan ng negosyanteng mapag-imbot—

Kaya lamang napanulot nang umihip
ating pinagbuklod na timog)

HINTAY, SANDALI LAMANG, O BIRHENG WALANG AWA

Verweile doch, du bist so schon…..
–J. W. GOETHE, Faust II

Nakabibighaning dilag, pwede ba?

Habang nakasalampak sa bakod ng sangandaang di malusutan
Naritong hampas-lupang nabalaho’t sinibasib ng matinding pagnanais—
Anong sungit ng langit, napakamaramot.

Nakatutuksong dilag, talang unti-unting naglalaho:
Sabik na sabik na ‘kong mapakiramdaman ang bugso ng dugong mailap—

Bakit nagmamadali?

Unawain sana kahit di kaawaan
Itong sugalerong napasabak sa laro ng diyablong pitang gumigiyagis sa ulirat.

Saan mahahagilap ang matimtimang dilag? Hintay, kahit ‘sang sulyap lamang….
Sa pilantik ng iyong mata nagsalubong, sa aking panimdim,
Ang katawang naluray at guniguning alumpihit, di maramot sa awa—
Sinusubukang makilatis ang kariktan ng nimpang nalusaw sa panaginip.

Hintay…
Anong kakintalang dagling naglaho’t tumimo sa diwa?

Mataimtim ang pagnanasa, O birheng kay bangis—

isusuka ko ang asim at pait
Ng ilanlibong pagsisisi’t panibugho
upang sa bakod ng sangandaan

Makapiling ka, lumilikas sa sumandaling halik
ng iyong buhok-ahas.

SIPATIN ANG IGLAP

Kung hindi natin maintindihan ang buhay, paano natin maaring matarok ang kamatayan? –CONFUCIUS

Malamig na singaw ng alikabok ang dumapyo sa iyong pisngi habang nakatanaw sa mapulang bulunbundukin ng “Valley of Fire” sa Nevada.

Mahigit sang-angaw na angaw na taon ang tanda ng mga higanteng batong nakabilad sa init ng araw na dati’y tahanan ng mga sinaunang nilalang…

Lumipas na ang maalamat na tribong Anasazi, umigting na alabok sa himpapawid…

Ngayo’y naglalaro sa pagitan ng kirot at lambing ang pagtatalik natin…

Sumpang binitiwan mo’y nalusaw, naagnas tulad ng mga petroglyphs, maputlang bakas ng mga Indyang naglaho. Ano kayang pahatid na katotohanan ang nakaukit sa mukha ng bato?

Ngunit hindi ko matanggap na ang mainit na braso mo’y papanaw at ang pisngi’t labi mo’y magmimistulang alabok na libag ng batong matigas…

Nakapako sa palaisipang di maiwasan sa “Lambak ng Apoy,” mahirap ngang magpakatao.

OPLAN BANTAY LAYA, SUMALANGIT NAWA

Natiyempuhan ko lamang basahin sa pahayagan kamakailan
ang balitang nagpakamatay sina Librado at Martin Gallardo
sa Barangay Conversion, Pantabangan, Nueva Ecija—

hintay muna, baka may masahol pang higit sa tinamasang hagupit—

upang maiwasan ang walang pakundangang tortyur ng Armed Forces of the Philippines.

Uminom lang ng pesticide, ayos na–
Tumakas na sila sa walang patawad na sundalo ng 48th Infantry Battalion—

Kamakailan lamang, si Bernardo Javier, isang magsasaka’y
Pinarusahang matikabok ng mga sundalo’t upisyal sa Fort Magsaysay—
Kapirasong lubid lamang, ayos na—
Di na nagpaalam sa inyo, mga karangalan, ang nagtanang kaluluwa–

Sabi ni Heneral Palparan: “We are sorry if you are killed in the crossfire.”
Hintay muna, baka may malupit pang sentensiya sa inyo!

Lason sa balang at salot, nakalusot din sa “crossfire” ng mga bantay-salakay….
Kapirasong lubid lamang, tumalilis at nakaiwas sa pag-antandang kay lupit….
Lumaya rin sa gobyernong mapagkandili’t maawain
Nakawala rin ang tatlong bangkay sa mapagpalayang militar

Salamat po, Heneral, sa hatol niyo’t pagpapaumanhin–
Salamat po, Madame Presidente, sa pesticide at lubid na inyong mamanahin–
Sa susunod na “crossfire,” “sorry” din kami’t kayo po’y hihintayin….

BIYERNES NG HAPON, OKTUBRE 1, 2005, SA WILLIMANTIC, CONNECTICUT, USA

Sa hapong taglagas may sugat na umaantak
Sa lamat ng mga kalsadang aspalto sa lungsod na dating pastulan ng mga
katutubong Indyang Pequot.

Anong kabulaanan ang itinatago ng mga kortina sa durungawan?
Hindi alam ng mga kalapati kung anong kulay ng pag-asa.

Naupos na sigarilyo’y ibinurol ko sa tabi ng Tulay ng mga Palaka
Habang patungo ang prusisyon ng trapik sa Foxboro Casino–
sugalang pag-aari ng Indyang Pequot.

Kung bakit sumingit sa isip ang Abu Sayyaf?
Sa takipsilim ng tag-lagas sinisilip sa gunita ang kutob at kilabot

SIKAPING MAGPATULOY: Kung di ukol

Habang pinanonood sa TV ang naluray na mga katawan

Sumabog mula sa sinapupunan ng isang babaeng “suicide bomber” sa Bagdad
kamusmusang nagisnan
sa pangangalisag walang luhang bumalisbis

Bulong mo sa akin, Mahal, sa kabila ng nakaririmarim
karumal-dumal
na nangyayari sa ating paligid
kailangan lamang magpatuloy
magtapatan ang nahubdang kaluluwa
at ipaubaya ang kapalaran–
Nagngingitngit
walang talang tumatanglaw sa guho’t nagibang altar
Nalunod ang bulong mo sa sumaksing sigawan tili hiyaw– Saklolo!

Hapding pumailanlang
umigkas ang kidlat
ngunit walang kulog na dumagundong
Ahas sa gubat
paikut-ikot muna bago sumagpang

Natuwad ang mga imahen sa dambana ng panimdim
nangabuwal ang Madonna
Pietang natiwarik
“iyong tinutunghay ano’t natitiis?”

Lasa ko ang pulbura sa dila mo, Mahal–

Anong ipagtatapat ko kung nakabalatkayo ang tadhana

sa yapos ng braso’t hita mo?

Tuluyan na natin
kahiman mabalaho’t mapariwara
tuloy ipagpaubaya
Sa panggigipuspos, laong-laan,

umiinog sa iyong sinapupunan

ISANG EKSENA MULA SA LAS VEGAS, NEVADA

Kababasa ko pa lamang ng nangyaring paglapastangan kay Magdalena Monteza sa Peru noong rehimen ni Presidente Fujimori—kung ilang ulit siya ginahasa’t binugbog—
“Ininis sa hukay ng dusa’t pighati”—

Saglit akong nanood sa mga nagpipistang Amerikano
sa “Strip” sa Las Vegas….

Anong tuwa ng mga tao sa tumitilampong tubig sa lawa ng Bellagio Casino, sa bulkang pumuputok sa MIRAGE, sa imitasyong gondola sa Venetian Hotel….

Walang muwang sa mga kalupitan ng CIA at U.S. tropang nanghihimasok sa buhay ng mga tao sa Peru, Colombia, Nepal, Pilipinas (sinong pumatay kina Ric Ramos, Diosdado Fortuno, Eden Marcellana, Rodante Bautista, Celia Esteban at di mabilang na biktima ng rehimeng Arroyo?)

Araw-araw, sa TV, ang pagpatay ng sundalong U.S. sa mga rebelde sa Irak at Afghanistan; araw-araw din ang awitan at sayawang burlesk sa Rio, Barbary Coast, Mandalay, Tropicana Casino—“saan ipupukol ang tinangis-tangis”

Pinupulikat ako. Di ako tulad ni Dante na makapagsusudlong sa mga kontradiksyon. Sa tulay sa Venetian, walang Beatrice na tutubos sa batok at tuhod ng makata.

Walang anghel kundi isang ulilang putang umaaligid sa isang payasong naka-tuxedo, nagmumudmod ng play money at makulay na papel-de-bankgong huwad.

Binibining Magdalena Monteza, ipagdasal mo kami.

WOWOWOWEEEEE!

Whenever I watch TV & see those poor starving kids all over the world, I can’t help but cry. I mean I’d love to be skinny like that, but not with all those flies & death & stuff. —MARIA CAREY

“Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan….”

Nakahilerang bangkay sa bangketa nilalangaw Patuloy pa rin ang
pista sa Malacanang— Mabuhay si Manny Pacquiao!

Tumaas ang halaga ng piso—
“Dalawa pang Ramen, ‘boss” Wowoweee!

10 milyong OFW ang nagpadala ng mahigit 8 bilyong dolyar nitong 2005
Wowoweee!

Talagang walang birong tulong
Cha-cha-cha ang sayaw ng Reyna’t Hari ng kurakot at mga alipores sa
Makati Patuloy pa rin

Pitong NPA sa Tarlac ang napatay ng militar… nilalangaw—
Wowoweee!

Sa harap ng inihaw na bangos, alimango, bibingka, pinalaya ng NDF si
Major Elequin…
[patlang, putol, sa pagitan pumakli si Ka Roger]

Ilang bangkay pa ang kailangan ng U.S. terorismo’t globalisasyon?

“Sisikapin kong maging isang tunay na….”

Cha-cha-cha, OFW [kinukupkop ng langaw] Glorya sa Ultra—

Mabuhay ang Pinoy/Pinay (!)? Wowoweee!

PAGPUPUGAY KAY KASAMANG MONICO ATIENZA

Tuwing dalaw namin, naghuhuntahan tayo sa lagusan ng DiliMall–
Ngiti’t biro mo’y testimonyo, sa gitna ng terorismong umiiral,
Sa masiglang pagsulong ng proletaryong masa sa bansa’t buong daigdig
Buhat pa sa mahimalang pagkaigpaw sa tortyur sa Crame’t Bicutan….

Tunay ngang bawa’t sakit at sakuna’y katambal ng tuwa’t ligaya—
Sumalubong ka sa ulan ng punglo, di alintana ang panganib sa bukana,
Walang pangambang binagtas ang diyalektikong landas ng pakikibaka
Walang pakundangan sa ahos at tukso ng imperyalismong humahadlang

Nagmamadali sa pagtawid sa rumaragasang agos ng kasaysayan–
Malayo ka na, pulang manlalakbay, ngunit aantabayanan pa rin namin
Habang libu-libong puso’y nagpupumipiglas sa Crame, Abu Ghraib, Guantanamo,
Sa susunod nating pagtatagpo sa lagusan ng DiliMall, Ka Nick,

Sasalubungin ka namin, tiwala na naghihintay sa dulo ng daang magubat
Ang himala ng ngiti mong bumabati sa tagumpay ng rebolusyon.

NALIGAW SA NAGSALIMBAYANG HIBLA NG IYONG BUHOK

Hindi sukat akalain
hinugot sa bagting ng kudyaping
naputol
Nasumpungan
hayok nalanghap
Umigting sa ‘sang iglap
Isinambulat sumasal
sumadsad
Huwag! Huwag!

ngunit nabuwag

Gula-gulanit nilugsong kapus-palad
sutlang nagkagutay-gutay

Sukdang ikasugat sa puso

“ulo’y nalungaygay luha’y bumalisbis”
bingi bulag

Walang saplot ang ulo ng bangkay

gumagapang sa hagdan ng iyong balikat

Umuukilkil sa budhing
Naumid naibsan nagkalagut-lagot

ngunit magkapulupot pa rin

“mahiganting langit bangis mo’y nasaan?”
Hindi masukat ang hiblang

kumalas
mula sa hinabing bagting
ng tadhana

PAGNINILAY SA HARAP NG LAWANG TSING HUA, HSINCHU, TAIWAN

Habang nakatunghay sa gilid ng lawang walang katinag-tinag
“Laot ng dusa’t hinagpis” tumatawid ang anino ng paghihiwalay
Balisang bumulabog sa luksang salamin ng pangungulila
Umaandap-andap doon ang titis ng naglipanang alitaptap

Umakyat ka na sa Sierra Madre kabalikat ng pulang mandirigma
Kailan ka babalik? Naglalamay sa lambing ng panghihinayang
Langitngit ng kawayan bulungan habang tiim ang labi sa magdamag
Dumaragsang kutob kung sakaling magipit ka’t masawi

Narito ako sa islang Taiwan ilang dagat ang agwat ng ating braso
Sa apoy ng dapithapong naghihingalo sa pag-aantabay
Bagamat nakalugmok pinapakiramdaman pilit inaaninaw
Sa takipsilim ang napalaot na kislap ng mga bituing naligaw

Sa magdamag umaandap-andap ang kirot ng hapdi ng paglisan
Nangangarap ng umagang tayo’y muling magtatagpo
Sasalubungin ko sa gunita ang apoy na tumirik sa iyong kilay
Ang luningning na dumapo sa labi’t bumulong ng kinabukasan

Titis ng bituing pumanaw ang pumaimbulog sa karimlan
Habang tinatalunton ang bulong ng agos mula sa liblib na batis
Doon natagpuan ang alitaptap na umahon sa pusod ng gubat
Sumisilip na sa batok ng bundok ang silahis ng pagbabagong-buhay

BAGO IDEKLARA ANG “EMERGENCY RULE” NG DIKTADURYANG ARROYO

(Ihabol lamang ang pakulo ng makulit kong ‘pare sa New York City,
texting via cellphone:)

“Kutob nami’y dumating na ang interesanteng panahon ng ating buhay
nang mapanood sa TV ang pambobomba ng tubig
kina Bishop Labayen, Guingona, Satur at mga mamamayang nagsikap

buhayin ang karangalan ng Filipino—ano nga ba ang “Filipino”?
Iyan bang nagtuturo ng direksiyon sa pagbaling ng nguso?
Isang chameleon na iba’t ibang kulay at hugis, walang sariling kanya,

bumabagay lamang sa takbo ng Mega-Mall? Samantala sa Camp Bagong Diwa
pinapatay nilang walang pakundangan ang mga bilanggong Morong pinaratangang terorista ng Abu Sayyaf, tulad ng mga Pinoy na dineporta–

mukhang terrorista daw—lagot ka! todas ka! Katukayo mo si Tiger Wood?
kahit ka kumamot ng ulo’t ideklara mong “Filipino” kang kumakain
ng balut, pinakbet, dinuguan, bantog sa pagluluto sa White House–

Sa pambubusabos at pagmamalupit baka walang hihigit sa ‘tin–
Di ba nasaksihan ito sa pagmamalabis ng diktaduryang Marcos? at ngayon
pasistang sundalo ni Col. Palparan, pulis at vigilanteng berdugo ng may poder?

bagama’t bayarang piyon lamang tayo sa Guantanamo at Abu Ghraib
marunong tayong mag-ingles-ingles, tenk yu beri mats!
Sabi nga ni Miss International L. Quigaman, kahit OCW o DH lamang

ang lahi nati’y likas na mapagkandili’t masuyuin, “nanny”-ing ultra-superyor
kaya dapat ipagkapuri ang Filipinong masunurin at mapaglingkod—
Anong tagumpay ng ilanlibong Sarah Balabagan at Flor Contemplacion

Kaya lumipad na tayo kahit walang glorya roon at pagkaisip-isipin
sa London, Roma, Riyadh, Los Angeles, Tokyo, Hong Kong, Singapore
sa lambing ng pagsisilbing walang imik, sapat na ba ang lambong

Ng konsuwelo-de-bobong nilulunok, koronang kaybigat sa ulo,
O pagtutol sa ordeng malupit sa lahing masuyuin at mapagkandili,
malaya’t wala, Oo, ‘pare, walang among sinusunod o susunurin…”

NAKAHAHAWANG NGITI ANG PAGBATI MO SA AMIN, DOLORES,

nang kami’y dumalaw sa iyong “retiro” noong Abril 1987
sa gulod ng bundok sa lungsod ng Baguio kung saan nagtagpo muli tayo
tiwalag sa dalahirang Maynila balot ng alikabok ligalig pangamba takot
(kamusta ba si Kumander Balweg?)
Malabong gunita na lamang ang kalunos-lunos
na pakikibaka ninyo ni Ka Rod sa Dumaguete noon laban sa mga neokolonyal na mga gurong tutol kay Carlos Bulosan—ay, Inday–

Ay, di biro, kinulapulan ng nakalalasong ideolohiyang
inihasik ng mga oligarkong asendero sa Negros kadugo ng mga panginoong may-lupa sa asyenda Luisita—ilan pang bangkay ang kanilang sasamsamin?

Sigabong tawanan natin nina Ka Delfin at iba pang kasama sa harap ng inihain mong
strawberry cake at inuming nakatunaw sa siphayo’t lagim ng pagkabigo
matapos ang Pebrero ’86 at masaker ng mga pesante sa Mendiola
inaapuhap ang bulaklak ng “Everlasting” na nalanghap ko noong kaakbay ko si Max Ramos Jr. (sumalangit nawa) ng dekada 50, maapoy na talulot na lumipad tungo
sa pusaliang kinasadlakan ng mga Igorota at mga katutubo—

Pinawi ng ating pagniniig ang ligamgam sa mga kasawian at kahapahamakang dinaranas ng mga pulang mandirigma….

Walang naiwang bitak sa mukha mong ginahis ng galamay ng militar
na dumakip at nagparusa sa iyo, sampu ng mga kapanalig—

Ay, naku, mabuti’t hindi ka naging istatwang martir sa Makating nagputa sa imperyalismo (ilang makata’t manunulat ang nabulusok sa kumunoy ng kaakuhan) at patuloy nandarambong, nanghuhuthot–.

Dinamdam mo ang lagim ng sinalantang diwa pusong sinikil budhing dinusta’t ginahasa
ngunit dagling naghunos sa dibdib ng kalitaksang walang patawad na kinurakot
ng Benguet Mining at kakutsabang nagpugad sa Camp John Hay pagkatapos ng kurakot ng mga alipores ni Cory…

Salamat, Dolores Feria, sa iyong tapang at talim ng ulirat at sensibilidad
na inihasa sa proletaryong aklasan sa California noong panahon ng IWW at CIO
kaya ipagdiwang natin ang pagsabog ng ulo ng diktador sa daang zigzag
habang sa natiwangwang na pusod ng talampas matiyagang hinahagilap ang mga buto ng mga bayaning nagpunla ng binhi ng “Everlasting” na bunga sa sakripisyo ng mga komunista…. Nagugunita ko ang dalumat ng iyong pasiyang isulong ang himagsik ng kababaihang namulat sa pang-aapi ng patriarkong orden, determinasyong magpatuloy, Oo, ipagpatuloy ang naumpisahan…

Salamat, Ka Dolores, sa abuhing buhok at kulubot na labi mong lumayag ang diwa ng anti-kapitalistang pakikibakang sumakop sa mga bulol at anitong nakiramay kay Macliing Dulag kaya habang nakatanghod ang araw at buwan sa terasang kanugnog ng ating munting piging sa gulod na nawasak ng lindol—balighong biyaya ng kalikasan—di makakalimutan
ang iyong pagmamalasakit—nakakahawa rin iyon—

Oo, walang timping pagtulong
sa bayang iyong ginawang tahanan at himalayan ilan libong milya ang layo
sa iyong tinubuang lupa, dito sa Pilipinas ngayon, ilang braso ang nagisnang yumayapos sa iyong kaluluwa ngayon na di na banyaga o estranghera kundi
matapat na kapatid at kasama sa ating pandaigdigang rebolusyon…

MASAKER SA MENDIOLA: Enero 22, 1987

Lubhang makulimlim di maabot-tanaw

unti-unting nagkakahugis
anino ng 13 magbubukid

Pinaslang ng militar ng rehimeng Cory Aquino

saksi dito ang 80 mamayang sugatan at taumbayang nakilahok

Umabot dito sa “sikmura ng hayop” ang nagtatanong na tinig nina
Letty Arias
Carol Araullo Liza Masa….at masang nakikibaka

Mula sa pusod ng karimlan unti-unting tumutugon sina
Macliing Dulag
Bobby de la Paz
Lean Alejandro Danilo Arjona Diosdado Fortuna
Ricardo Ramos….at masang nakilahok

Humihirit ang baril sa Hacienda Luisita, sumisingasing ang kwarta ng bayang
kinurakot ng Malakanyang….

Paano
Oo, paano nga maipapaliwanag ang krimen ng mga uring nagsasamantala?

Sandali lamang—

Abot-tanaw na
tumatagos sa karimlan ang hirit-ganti

sa lilim ng bandila ng pulang mandirigma
Unti-unti
Abot-tanaw na natin
ang liwanag ng sumabog na utak at dugong dumanak

sa larangan ng digmaan
sa Mendiola
noong Enero 22, 1987.

SA MGA YAPAK NG PARALUMAN, NAMAMAALAM

Hanggang pumanaw sa iyong yapos
saksi ang lagas na talulot

Naghinala kang sa likod ng tabing
alam mo bang masusumpungan
Bumabalik sa anyaya
lumalagaslas
ngunit naligaw sa ulilang daan

Sa pusod ng salaming nabasag
yamang bumubuko ang usbong ng bulaklak

Sa tukso ng takip-silim

naglalaro ang kuko ng gagamba sa iyong pisngi

nagipit sa pagitan ng pangakong binitiwan
at sumpang inihasik

Magbabalik pa kaya ang kirot sa lamang nanunuot

Bumabalisbis mula sa batis ng iyong labi

Pamamaalam ng payasong
may ikinubling ngiti
sa sigaw ng saklolo

isang tili sa pagitan ng halik at bulong ng dasal

Yapusin mo
O Paraluman
sa pagitan ng iyong mga hita

ang katawang napanganyaya

MAHIGIT BAYANI, PAKIRAMDAM KO

Siya’y bathalang pinagpala ng Maykapal

sinumang malapit sa iyo
pinayagang dumikit — todas na siya sa gayuma
dilang kaytamis!
bulong-bulungan
salitang kay lagkit — nakatutukso
tawang nakabibighani
Ay, tinamaan ng lintik!
Lumuksu-lukso ang puso
kapag nabubunggo kita sa daan
Alumpihit
Dagling matataranta sa ‘sang sulyap
Sa ‘sang baling
biglang nauutal
dilang binakli
walang mausal

Anong matalas na hiwa ng apoy
ang gumagapang
sa silong ng balat?
Matang di makaaninaw
taingang lumilindol
pawis na tila yelong pumapatak
dumadaloy sa dibdib
hanggang pusod

maputla pa kaysa natuyong talahib
Sa sandaling ito’y
di na malayo
ang kamatayan
walang kailangan
kundi mapanaw
Ngunit lahat ng ito’y dapat tiisin, ay Sapong mahal,
sapagkat…

KABABALAGHAN NG PARU-PARONG MAKULIT

Alimbukay ng pulburang sumabog ang bumibigkis

Asim-tamis na bukambibig ng pagnanasang humulagpos

Paru-parong nasalanta’y babala ng linggatong at lagim

Bakit iiyak? Mantakin mo’y tumiwalag sa kinadlong hinagpis

Ginagap sa panimdim ang nandudurong sungay sa liblib

Kapag malakas ang agos sa dibdib sumasalunga sa bundok

Lumilipad sa karimlan ang sulo ng katutubong pagtitimpi

Sa bituka ng talinghaga nasukol ang dilubyong niliglig

Hinugot sa umaalmang hayop ang sungay ng paghihimagsik

Ipagbunyi si Ka Maricris Lina pinaslang ng militar sa Leyte

Sa bawat himaymay nanunuot ang banta ng pamumulaklak

Binigkis ng paruparong bumaklas sa kalbaryo ng pagtitipan

ALINGAWNGAW SA PINAGLAHUANG BUMALONG SA BANGUNGOT

Habang nasadlak sa bungang-tulog na laging pakain
Walang patumanggang laging luha rin ang inumin
Di-binyagang narahuyo sa kapilas ng langit

Damn damn damn the insurrectos!
Cross-eyed kakiac ladrones!
Underneath the starry flag
Civilize ‘em with a krag
And return us to our own beloved homes–

Tiklop-tuhod ang babaylang nasumpungang nagdarasal
Kahit pikit natuklasan sa apoy at lagim ang biyayang kariktan
Buhanghang kaya’t daig ng munting siksikan

Damn damn damn the Filipinos!
Underneath the starry flag
Civilize ‘em with a krag–

Bulong ng paglililo’y nasa kagandahang humihimok—
Dinggin si Rizal: “sa dahas, dahas din ang sagot
Kapag bingi sa katwiran” kaya’t ilag at sugod habang bumubugso

Damn damn damn the insurrectos!
Civilize ‘em with a krag—

Kaya bumangon sa pagkaburol, O Giliw ng Lagim,
Bumalong sa bangungot upang muling kandungin
Nalugmok sa poot at pighati ngunit ngayo’y umiigting
Sumusugbang hibo’t buhawi ng kapilas na langit

Sukdang mawarat mabulusok matarok lamang ang hulo’t luwasan

…And drive back the barbarian Yankees to their beloved homes!

KUNG BAGA SA HAMOG NG LIBOG SA TAG-ARAW

Lumutang sa lambat ng panaginip ang pugita ng buryong palaboy

Anong biyaya ng hibong lubog sa lumot ng isdang sasagip

Anong hiwagang nabunyag sa salaming uminog sa bigwas ng alon

Hindi matiyak kung pagbati o pamamaalam ang naanod sa katihan

Sugat ng hamog sa talulot ang di maaninag sa agos ng panaginip

Udyok ng kasaria’y bumalong bumulwak lumutang lumubog

Himalang hinabi sa pawis dura tamod luha ng namamalakaya

Sa naburyong utak iniakma ang pagkukunwari’t pagkukulang

Alimpuyo ng kagampanang napariwara sa kwadrong nabasag

Sumisid ang tulog na palaboy sa palikpik ng umagang nakahubad

Kung saan nadapa nakamulagat doon kailangang bumangon

Ambong lumubog-lumutang sa bahag-haring babala ng sigwang darating

HAHAMAKIN LAHAT, MASUNOD KA LAMANG

Sa pagkakataong ito, Pebrero 14, 2006, Tamuneneng ko:

“Dini sa dibdib ko na nahihilahil…
nasa aking puso’t doon humihimbing”

Ngunit bakit pa itatawid itong kapalaran
“At lahat ng hirap pag-aralang bathin”

Kung anumang layo, “kung ating ibigin
daig ang malapit na ayaw lakbayin”?

Gayundin ang sugat na kung tinanggap
di daramdamin ang antak
Ngunit kung umayaw o di payag
galos lamang ay magnanaknak—

Ay, d’yos ko, ay, Tamuneng ko,

tanggapin ma’y sukdulang nagnanaknak!

PAHIMAKAS SA PAGPASOK NG BAGONG TAON

Sisikaping ilunsad muli ang pagsubok pagtatangka pangako
Kusang-palong humulas sa pagbangon

Gunitang hinalukay sa burol ng basura yagit burak ng mga natutulog

Sinong sisisihin sa pandarambong at salvedging?

Droga ng talusirang aliw, kumukurap-kurap pa–
Di nagitla sa pagkakahiwalay
Nilambungang alindog, sino ang nabighaning kaluluwang nabulusok?

Sa bawat butil ng buhanging lumulusot
“at dito sa laot ng dusa’t hinagpis / malawak na luhang aking tinatawid”

Di masikmura ang nabubulok sa tambakan ng luhong minana
habang nangangarap ng ambrosyang pumipilantik

Ilunsad sa lagusang watak-watak ang pagsubok—ninanais, hinahangad–

Di nagitla, di namangha sa ulilang kuwagong
nakatanod sa puntod ng naglahong panahon
Latak lamang ng panaginip ito na nilagom sa himlayan—
Nilamusak na lahat, ano pang sanghayang makukurakot?

Ngayon, anong alakdan ang gumagapang sa balintataw ng pangako’t sumpa?

Subuking ikintal ang pagsisisi
sa umusbong na talulot ng nilambungang pagtatalik

Tangkaing iukit ang pangarap sa pilantik ng lumuksong laman—

Gumising na’t ilunsad
tawirin ang laot
tungo sa pinagpugarang buhangin

sa luntiang pampang ng ating katawang pinagbigkis

KAYUMANGGING MANLALAKBAY SA PANAHON NG AKWARYUS

Naputol ang paglalakbay nang walang pagsabi samantalang
Lumalapag ang eruplanong nanggaling sa kung saang lupalop
Naghihintay ka nahubdan ng pagkukunwari

Magdamag balisa wala ka bagamat naroon din
Sa kabilang panig ng mundong niligalig ng digmaang terorista
Di malaman kung saan napadako’t napadpad

Habang ako’y sumisilong dito sa paliparan ng Detroit
Umaakyat ang diwa sa bawa’t paglisan lumulukso’t lumilipat
Lumulutang sa sayaw ng ulap at pag-inog ng buntala

Hanging bumubugso sa kutob ng ilanlibong pakikisalamuha
Saan kaya tumakas ang nabulabog na panaginip
Saan hihimpil ang kamalayang napalaot walang timbulan

Kumakaba ang pusong di maapuhap sa kintal ng buwan
Masisinag ang biyaya ng bumubukang pakpak sa himpapawid
Pumaimbulog ang ulirat di batid kung saan hahantong

Nagbabala ang bagwis nag-aabang sa nagkrus na daan
Habang sa langit gumuguhit ang kaluluwang naglagalag
Walang tiyak na tipanan ang haliparot na metalikong ibon

Bayan ng aking pagyao nawa’y laging luntian ang dugo mo
Sa kabilang ibayo bumabalik ang banyagang walang gurlis sa mukha
Tanggapin mo ang katawang naanod sa ulilang daungan

Naligaw sa awit ng sirena bagamat gapos sa layag ng guniguni
Paglalakbay na walang tiyak na destinasyon o hangganan
Gaano man tugisin ang mga lagda sa matris ng talaba

Gaano man masapol ang ikot ng motor anong kahihinatnan
Samantalang sa isip ko’y nagpunta ka sa dalampasigan
Kinikiliti ang talampakan ng buhanging sinuyod binaybay

Pira-pirasong labi ng suso’t kabibi ang tumutusok sa iyong paa
Di mo pansin sinusundan ang lunday ng hangin indayog ng alon
Los Angeles Roma Hong Kong Riyadh—sinong makasasagip?

Kaakbay ang mujaheding inabutan ng tabsing sa dagat
Umaalingawngaw pa rin “Silanga’y pupula sa timyas ng paglaya”
Magkapiling pa rin tayo kahit hulog ng langit o hinugot sa tagiliran

KUNG SA LETRA’Y SUMALA….

Natuklasan ni Felix Razon, OFW, sa pagsisiyasat sa Aklatan ng Kongreso
nang humimpil ang barko niya sa Baltimore ang bersong ito:

Ang sugat ay cung tinanggap
di daramdamin ang antac
ang aayaw at di nayag
galos lamang magnanacnac

Bumulong-bulong ang “bagong bayani”:

“Oo, pulos galos at gasgas, p—tang ‘nang walang bayag,

walang hiyang tumatanggap…. ‘nak ng tupa!”

BULAKLAK NG DROGA HANDOG NG ANARKISTA NG MILENYUM

Pinagtampuhan ng tadhana, nilalangaw
inuk-ok ng uwang hanggang naubos pati ubod
Di ko akalaing makauusad pa
“bungang-tulog ang pagkain laging luha ang inumin”

Bakit, Mahal, ayaw mong patawarin ‘yang aliping lagalag?
Pagdamutang tanggapin ang alay nitong sugatang hayop
“pawang dalamhati kahapisa’t lungkot”

Di ko akalaing
Sinong tutuklas kung sino’ng pinaslang at sinong pumaslang?

Pinagtampuhan ng tadhana, siningkaw sa gulong
ng banog-lawin paru-paro’t mailap na batu-bato
ningas-kugon ng sampay-bakod
umuugit sa proyekto ng pagtuklas

Di ko inakala
“malayo ma’t ibig daig ng malapit”
malakas ang tuhod mahina naman ang loob
Pagdamutang tanggapin ang paglulubid ng talinghagang sandakot na hangin
…sukdang mapalamara

Walang kailangan, Mahal ko, magbangon ka sa pagkaburol at muling kandungin
iyong aliping lagalag
hayop na sugatan
kundanga’y inaakala pa lamang
Walang kailangan ang patawad
gumagapang umuusad kumakalampag
upang durugin ang uwang ng pag-aakala’t tampuhan

Walang kailangan ang pagsisisi
malayo sa luha’t malapit sa bungang-tulog
hanggang dumating sa lalawigang mahimbing

PARABULA NG MANLILIKHA

Arpang pipi’y tumaginting sa uha ng sanggol

Isinumpa sa paa’t tuhod ng matimtimang birhen
Nabunyag ang lihim na tunog sa lambong ng pilik-mata
Nagiginay ay kupkupin naliligaw ay akayin

Arpang pipi’y tumaginting sa uha ng sanggol

Lublob sa kangkungan ng boladas kinurakot sa pakulo
Kahit hayop man sa parang may lungga ring tahanan
Naglimos ng biyaya ang buhok sa marmol na batok

Arpang pip’y tumaginting sa uha ng sanggol

Bumabanat pa rin napako sa salumpuwit ni Kuh Ledesma
Kung saan iluluwal ang binabalangkas ng panata’t pintuho
Kahit nagiginaw di naligaw patungong lunggang panaginip

Arpang pipi’y tumaginting sa uha ng sanggol

Namilaylay mula sa labi ng birhen ang patawad sa hayop
Pusaling katapat ng langit sa mataimtim na dalangin
Isinumpa sa pusod at batok ng diwatang pinipintuho

Arpang pip’y muli sanang tataginting—

subalit pinigilan—

“Magaling, datapoua hindi tola”

UYAYING NAGHAHANAP NG MAKABAGONG KANTOR

Tulog na, bunsong sinta, sayang lang ang luha mo
Ang ina mo’y malayo’t sumugod na sa dilim
Hanap mo’y dating tamis sinisipsip hinihigop

Meme na, bungangang humihikbi’t nakanganga
Kundi’y isisilid ka sa gusit kapalit mo’y salapi
Di naman masundo’t nanupol daw ng sampaga

Tulog na, dilang uhaw, ina mo’y naligaw tila
Saan nakahain ang dibdib susong nakalantad
May putik sa pisngi may balaho sa sinapupunan

Meme na, labing tigang, nilalang na nilinlang
Isisilid ka sa bumbong kapalit mo’y bagoong
Dalamhati’y ingawa ina mo’y napariwara

Tulog na, ngiping bungi, sumisingasing sa silong
Kakilakilabot na hayop alagang bumangis
Sa pakikihamok ina mo’y hinuli’t hinuthot

Meme na, bunsong uhugin, malaki ang sisidlan
Lawit ang tumbong pasang-krus ibulong sa hangin
Sandok nakasuksok palayok nakataob

Gising na, bunsong madungis, humabi ng bagong uyayi
Manupol ng pulbura’t isabog sa marangyang alta
Gusi’t bumbong ay bawiin kamusmusa’y isuka

Taas noo’t kabakahin ngitngit-sungit ng panahon

PAMAMANHIK SA BAWAT SANDALING TAYO’Y NAGHIHIWALAY

Ito’y hindi wakes ng isang pangyayari kundi bagong panimula. –LU HSUN

Hindi pa man uminit ang silid sa iyong hininga’y namamaalam ka na
Walang dapyo ng labi sa pisnging nahubdan ng balatkayo
Sa nasaplutang mata’y tumatagos ang haplos na pinakasasabikan

Sa balat gumapang ang humihiwang pangakong magbabalik
Nagpupumiglas ang puso sa hapdi ng paghihiwalay
Tulak ng bibig kabig ng dibdib pinagtakluban ng langit at lupa

Aalis ka na ba? Ay, naku, huwag sanang kalimutan ang habilin
Hagod ng pagkabalisa’y di mapigil sa pagpili ng huling baraha
Hudyat ng kung anong udyok o hibo ang dumarambong sa utak

Nakaduro sa budhi ang tukso ng sulyap mong maharot
Bumakat sa lamang nginatngat ng pagnanasa’t pagnanais
Napigtal nawindang nabiyak ang dibdib sa pinakaaasam-asam

Di man lamang nahipo ang daliring tumimo sa matris ng ulirat
Di napangahasang saklutin ang naglambitang hibla ng iyong buhok
Nakalambong sa harap ang luksang braso ng agaw-dilim

Di nahawakan o nayapos ang nakatiwangwang na dibdib
Anong pangambang naukit sa lalaluman ang nagpapahiwatig
Dampi sa noo’y umigkas sa dagok ng huling pahimakas

Sumiksik sa tiklop ng gunita kaninong mukha kaninong samyo
Kay tagal ng ikot ng paghihintay sa pahatid ng ipinithayang dilag
Ilan libong panaginip ang nalusaw sa kalis ng buntong-hininga

Sa katawang nakaunat yumakap ang gayumang kamandag
Sa muling pagkikita kaluluwa’y nagbabalik sa himok ng uyayi
Nagmaliw ang init ng iyong labi sa bawat saglit ng paghihiwalay

Kimikirot sa bawat himaymay ang hiwa ng paglalakbay
Kahit buto’t kalansay ng lagalag pilit na ibabalik isasauli
Sinasalubog sa bawat paglisan inaabangan sa bawat pag-alis

SABWATAN SA KATAKSILAN? SABAT NATIN: HUSTISYA MUNA!

(Komunikasyon mula kay Mr. Laong-Laan, OFW, para kay Ka Crispin Beltran, bilanggo ng administrasyong Arroyo)

“Bilang Commander-in-Chief, kontrolado ko’ng sitwasyon–”
“Babala ko, babagsak ang buong bigat ng batas—“ Aruy ko po!

Lumalaon bumubuti sumasama kaysa dati

Wa epek ang dakdak sa “kuta ng pagsasakripisyo’t pagmamalasakit”
Bukas kung makalipas, sa Linggo kung makalagpas

Lumalaon bumubuti sumasama kaysa dati

Pakulo ng Estado’y gusto raw ang Cha-Cha ng bawat barangay—
Bawat lagdang ini-“lagay” ay dyenwain, walang dagdag-bawas, alam mo na

Lumalaon bumubuti sumasama kaysa dati

Kung bilib ka sa buladas ng rehimen, bakit kailangan pa ang PP 1017?
Kahit wala kang imik pero maka-BAYAN MUNA, huhulihin ka’t papatayin

Lumalaon bumubuti sumasama kaysa dati

Bumubwelo pa lang ang armadong masa sa Davao, Samar at Isabela
Umaarangkada na ang pulis-militar sa pagbawal at pagbomba sa mga demonstrador

Lumalaon bumubuti sumasama kaysa dati!

Bakit ipagbibili ang likas na yaman ng bansa sa korporasyong dayuhan
Kung mataas na ang piso, tenk yu beri mats sa pawis ng sampung milyong OFW?

Lumalaon bumubuti sumasama kaysa dati?

May konting alingasngas sa Washington, aprub na ang Anti-Terrorism Bill
Pakilusin muli ang Abu Sayyaf, abangan ang susunod na kabanata

Lumalaon bumubuti sumasama kaysa dati, aray–

Kaya OK lang ang sabwatan ng Malakanya’t Kano’t negosyanteng kriminal
Payag ka pa ba? Labis na ang sangkatutak na pambubusabos at pangungurakot

Lumalaon lumalala kung ang kasamaa’y di pipigilin
Lumalaon sumasama kung ang sambayana’y sinisiil ginigipit
Tigil na ang sabwatan! Hustisya muna! Walang glorya sa kawalang-hiyaan!

MAHAL, DAHIL SA NAHUBDANG KAGANDAHAN

Habang pinanonood sa TV ang naluray na mga katawan

Sumabog mula sa sinapupunan ng isang babaeng “suicide bomber” sa Bagdad
kamusmusang nagisnan
sa pangangalisag walang luhang bumalisbis

Bulong mo sa akin, Mahal, sa kabila ng nakaririmarim
karumal-dumal
na nangyayari sa ating paligid
kailangan lamang magpatuloy
magtapatan ang nahubdang kaluluwa
at ipaubaya ang kapalaran–
Nagngingitngit
walang talang tumatanglaw sa guho’t nagibang altar

Nalunod ang bulong mo sa sumaksing sigawan

tili
hiyaw– Saklolo!

Hapding pumailanlang
umigkas ang kidlat
ngunit walang kulog na dumagundong

Ahas sa gubat
paikut-ikot muna bago sumagpang

Natuwad ang mga imahen sa dambana ng panimdim

nangabuwal ang Madonna

Pietang natiwarik
“iyong tinutunghay ano’t natitiis?”

Lasa ko ang pulbura sa dila mo, Mahal–

Anong ipagtatapat ko kung nakabalatkayo ang tadhana
sa yapos ng braso’t hita mo?

Tuluyan na natin
kahiman mabalaho’t mapariwara
tuloy ipagpaubaya

Sa panggigipuspos, laong-laan, umiinog sa iyong sinapupunan

SUMPA O DASAL? ITANONG SA INIHAHANDANG “SUPERMAID” NG REHIMENG ARROYO

Payo mo’y mas mabuting magsindi ng kandila sa halip na isumpa
Ang nakapanghihilakbot na dilim

Itanong natin kay Rafael Markus Bangit, pinaslang ng militar
Nakasubsob sa sinusong lupa ng Cordillera

Mungkahi mo’y magparaya, patawarin ang nabubulagan o nagbubulag-bulagan
Mga sundalo’t pulis na sinuhulan o binayaran

Itanong natin kay Alice Omengan Claver, binaril ng militar
Sinikap niyang ilawan ang landas ng mga naliligaw

Panukala mong humagilap ng batong kiskisan at titis
Upang magliyab ang apoy sa lambong ng karimlan sa tinubuang lupa

Itanong natin kina Fernando Batul at Ricardo Uy
Kung anong titis anong kislap ang inagaw sa paghagilap ng katarungan

Sinong ipagdarasal sa tanglaw ng kandilang naupos ang mitsa?
Nakaluklok sa dilim ang mga medalya ng heneral at kakutsabang kriminal
Naghahasik ng lagim ang mga pulitikong nakakubli sa altar ng simbahan

Mungkahi ni Ricardo Ramos: mas maiging isumpa
Ang mga mandarambong kaysa magsindi ng ilanlibong kandila sa altar
Payo ni Eden Marcellana: mas mabuting isumpa
Ang kabuktutang hayag at ipukol ang batong kiskisan sa mga kriminal

Sa gayo’y masisinag natin ang nakasisilaw na ngiti
Sa bunganga ni Alice Claver, titis na inihagis sa pangil ng kadiliman

Sa gayo’y maaaninaw natin ang galit na sumabog sa matang
Nakamulagat ni Rafael Bangit, apoy na tutupok sa isinumpang kasamaan.

PALAYAIN SINA KASAMANG CRISPIN BELTRAN AT TAGAYTAY 5!

Habang pinag-iisipan dito sa Estados Unidos—patak-patak ang hulog ng isip–kung paano makakatulong
kina Ivy Collantes Bautista, pinatay sa Santander, Espanya,
at Jose Ducalang, pinatay sa Ormoc City, Leyte—

mga katawang kayumangging bumabagtas sa mga dagat at kontinente ng sansinukob

binagsakan ng dagok ng Proklamasyong 1017 si Ka Crispin Beltran,
representante ng mga anakpawis sa Kongreso,
nakapiit sa Camp Crame hanggang ngayon
butil-butil na pawis humahalo sa luha ng mga naiwan….

Pahayag ni Ka Bel: “Natakot ang impostor sa namumuong daluyong ng demokratikong tsunami ng mamamayan
na tiyak na gagapi sa reyna ng kadiliman”–
sigwa’t kidlat ng damdaming napiit, ngayo’y nakaigpaw–

Kaya bumangon kayo, unat-unat, Ivy Collantes Bautista, Jose Ducalang at ilanlibong nasawi sa Guinasaod, Leyte,
sakay ng along tsunaming nakatarget sa Malakanyan
tumutulay sa mga dagat at kontinente—Aprika, Asya, NorteAmerika—

O tsunami ng sambayanang naghihimagsik!

KAPUTOL NA HIWA SA NASUMPUNGANG PAGTATAGPO NINA ABU SAYYAF AT BENEDICTUS SPINOZA

“Masidhing simbuyo ng kalooban ang dapat panimdimin…. Nais ninyo bang matarok at maugitan ang pagtatalik ng kilos ng katawan at galaw ng kaluluwa?”

“Mithiin nami’y higanti sa krimen nina Hen. Pershing at mga Kristyano sa masaker ng mga kalahi sa Bud Dajo at Bud Bagsak….”

“Ngunit pag-isipan ninyo: ang nangyari’y kabuktutang nagbunga ng sakunang nagparusa sa mga kriminal.”

“Sumunod ang masaker ng Jabidah, masaker sa Buldon, marami pa….hanggang sa ngayon.
Karumal-dumal na terorismo’t pandarambong sa Sulu at Mindanaw, sa lahat ng sulok ng kapuluan….”

“Sinunggaban kayo ng hibok at tukso ng damdaming mapanggayuma’t gumagahasa sa inyong kaluluwa….”

“Bakit, Maranong Hudyo, sa budhi ba’t katwiran nakukuha ang katarungan?”

“Magparaya na kayo, maghunos-dili. Hayaang gumulong ang tadhana, ang lakas ng kalikasan….”

Sa ganang amin, sa dahas at kapangyarihan ng armas masusupil ang demonyong imperyalista’t kakutsabang oligarko. Turo ito ng kasaysayan, hindi ni Mao….”

“Ano ang leksyon? Sindak laban sa kilabot, sinong nagkulang at sinong nakahigit? Paano matatamo ang kabutihan ng komunidad?”

“Kasukdulan na ang bagsik ng Estadong terorista. Suriin mo ang madugong masaker ng mga kapatid sa Bilibid Bagong Diwa, 15 Marso 2005. Anong imbing kahayupang nasaksihan doon?”

“Kalikasan ang nakapangyayari. Itugma natin ang isip sa balangkas ng mundo, iugnay ang diwa sa pag-inog ng buntala….”

“Patuloy ang kasamaan, patuloy din ang pagtutol at pagtatanggol sa tinubuang lupa, puri at karapatan ng Bangsa Moro. Mananaig ang may katwiran, ang katotohanan!”

“Kaunting hinahon, mga kapatid, kasama ninyo ako sa larangan ng pakikihamok….”

“Dakila ang Maykapal!”

“Ay, naku, walang diyos, wala kundi kalikasan—ang ating pinagbuklod na lakas—ang magtatagumpay sa wakas! Maniwala’t magtiwala sa birtud ng masang ating ipinaglalaban….”

MULA SA GUMUHONG KUTA SA HARDIN NG VILLA SERBELLONI, BELLAGIO, ITALYA

Sandaling matining ang kristal na tubig sa lawa, kapagkuwa’y

nagsising-sing at umaalimbukay

Di mo pansin ang lagaslas ng hanging pumupukaw
sa mga bulaklak ng tinataluntong landas
pababa
sa gumuhong kutang nakaumang sa ating pakikibaka

Curva pericolosa Rimanere sul sentiero

Sa gitna ng luho’t yamang naipon sa mga mariwasang palasyo nina Duke Serbelloni at iba

pang mga “ibong mandaragit”

Huwag ka raw lumihis
lumiko
lumukso-lukso,
banyagang lumuluha kahit walang mata

Sandaling matining, kapagkuwa’y umaalong maharot—nagbabago sa kisap-mata!

Huwag lumipat o magbago, dayuhang lumalakad kahit walang paa—mapanganib daw

Lawang tahimik, mahinahon, salaming matining
ngunit sa muling paglingon umaalimbukay–
ngunit di mo alintana habang umaakyat ka
upang maabot ang yelo’t ulap sa bagwis ng himpapawid

Sa hardin ng rosas sa grotto nakaluklok ang ispiritu ng mga Romanong sundalo’t alipin ni Pliny, istoryador—
Abo ni Pliny ang naging pataba sa lupa
kasiping ng mga buto ng mga piratang anino’y gumagala tuwing dapit-hapong maalinsangan

Curva pericolosa Rimanere sul sentiero

Biglang sumulpot sa gunam-gunam si Victor Olayvar, aktibistang pinaslang ng militar sa
Bohol ilang libong milya ang layo sa Bellagio, Italya….

Manlalakbay mula sa islang dinilig ng dugo ng mga bayani, mag-ingat ka raw
at huwag lumihis sa nakagawiang daan
ng talisuyong inaruga’t kinupkop ng mabiyayang
kalikasang malamyos ang yapos ngayon, kapagkuwa’y maharot

Nag-uulik-ulik
Tatawid sa pagitan ng mga daang nagkrus at nagsalit-salit
Nagdidili-dili
Lumipat sa kabilang daang nagkawing-kawing, nagsing-sing
Nagmumuni-muni
Nakatutok sa diyalektika ng pagtakwil o pagtalima

Talipandas na kinalinga’t inandukha ng mga taga-gubat, tiwalag sa dahas ng rehimeng

komprador sa Pilipinas kakutsaba ng imperyalistang Yangki

Sa baluktot na panahong puspos ng krimen at kabuktutan ng mga naghaharing-uri
Kailangang lumihis sa baluktot na daan
Kailangang humawan, gumawa,
lumikha ng bagong landas doon sa sukal at yagit ng gubat
Harapin ang nakaumang na panganib

Umiwas
sa nakaugaliang pagpapabaya, pagpapaubaya

Curva pericolosa

Iwan, talikdan, itakwil ang bulag na pagsunod sa tradisyon ng mga nang-aalipin at nagpapaalipin

Lundag
Lukso
Lipat Baguhin Ibahin

Mangahas itayo ang bagong hagdan sa pagitan ng langit at lupa

Mangahas ilatag ang tulay mula sa duguang lupa ng mga Villa

tungo sa pinakamimithing dulo’t hangganan
ng ating pinagbuklod-buklod
na pagkikipagsapalaran laban sa nagmana sa kapangyarihan ng mga Pliny at Serbelloni—

Sandaling matining ang kristal na tubig sa lawa, ngunit mayamaya’y
sumusulpot, bumubulwak, umaalimbukay—
Curva pericolosa

Sa bawat sandali, nagbababala, sa ‘sang kisap-mata–
Saan mo itututok,
saang daan at direksyon mo
iuumang ang ‘yong buhay?

[Bellagio, Italya, Setyembre 2006]

IHASIK HIMAGSIK BUMIBIGSIK

Gayunpaman
Walang rason ang hiwaga ng paglikas– Bakit di ka makatawid
Sa kabilang ibayo ng guhong daang-bakal?

Gayunpaman
Dumaplis nabulusok sa lusak labnot ang tadyang nagkabalibali, subalit
Di kailangan ang daing ng pagsisisi o tgaghoy ng hinagpis.

Gayunpaman
Bagong ahon, bagong salta—Sa batis bumabalong, namumukadkad
Bago magtakip-silim nangangarap na ng paghuhunos.

Gayunpaman
Mula sa bartolina ng budhing masalimuot umalpas umigpaw ka
Tungo sa bitag at laro ng liku-likong landas.

Gayunpaman
Sa hukay ng balintataw bumugso ang sanghaya ng guniguni
Napigtal na talulot ng parikalang nililikom.

Gayunpaman
Anong nagluksang ibon ang lumalatag sa dulo ng tulay sa daang-bakal
Paluwas, lulan ang kaluluwang sugatan?

Gayunpaman
Bumabalong bumubukal sa sinapupunan ang daluyong ng panimdim
Sumusugba sa tilamsik ng apoy ng bukang-liwayway.

SINGAW

[Mala-birong imbensyon ni David Zorro, “houseboy” sa Reflections in a Golden Eye ni Carson McCullers]

Alimpuyo ng buntong-hininga sa Oktubre ng iyong kaluluwa

HINDI KA NAG-IISA!

Bulang tila kislap ng diyamante sa gilid ng matang tumitirik

lumalagos dumadaloy
Sa pagitan ng hiblang rehas ng iyong buhok

Civilize ‘em with a krag…pock-marked khaki ladrone

Uhaw ng pagnanais sa labi ng guho sa natagpuang lungsod

sa gitna ng disyertong plastik
Hipo ng liwanag

Silahis na biglang bumuhos sa karimlang saplot ng kilabot

Calibrated Pre-emptive Response

Kislap ng bitui’y nalunod sa buhawing nakahulagpos

sa hawla ng iyong dibdib
“I SHALL RETURN”

Sa luksang lansangan ng lungsod na ating nilalakbay
natagpuan natin

“Tell Aguinaldo come soon as possible” (Admiral George Dewey)

ang nakalupasay na biktimang kasangkot
sa ating pagtitipan
mga katawang nilublub sa duguang matris

“We love your adherence to democratic principle….”

na iniluwal sa panaginip

Sumisid

“Thirty thousand killed a million…really a most embarrassing circumstance….”

hanggang sumabog ang dibdib
sa pagyapos sa iyong kaluluwa
sa kaibuturan ng dagat ng iyong panagimpan

Civilize em with a krag…pock-marked khaki ladrone

Sa iyong paa idinampi ang sulyap ng araw
sa pagbubukang-liwayway

HINDI KA NAG-IISA!
paang binasbasan ng luha

Pre-emptive Calibrated Response
dighay at utot bangungot
nagsalimbay
sa himpapawid ng panahong nalusaw sa hamog ng

pagbabagong-buhay

HABANG TINATALUNTON ANG MGA YAPAK NI KASAMANG SALUD

Alingawngaw ng tinig–
“walang insureksiyong nasayang
bawa’t isa’y hakbang
sa mahabang lakaran patungong kalayaan….”
Bumubulwak ang bugso ng pananabik
sa darating na pagtitipan
Di natuloy sa pagtalunton

Kinaladkad nila ang ginahasa’t niluray na katawan
ng babaeng
pulang mandirigma
pinagbubugbog tinadtad ng bala
nakatimbuyang tila naghihintay
sa gilid ng bangin tagpuan ng mga darating
kinaladkad sa bukana ng batis na bumubulong
sa nabuksang pusod ng gubat
tadhanang bumulwak at umaalingawngaw
“iyong tinutunghay ano’t natitiis”

Sa pagitan ng naudlot na bangkay at hiyaw ng pananabik

–isang hakbang na lamang, Ka Salud, pagbubuksan din—

bumabangon
ang kinaladkad na halimuyak
bumubulwak sa bawat sugat
namumukadkad sa duguang labi

habang tinatalunton ang nasawing landas
itinadhanang halik na sumasalubong
bulaslas ng pagbati sa kinabukasan

PAMANA NI KA ARMANDO TENG

Naulinigan niya

sa gitna ng engkuwentrong madugo

ang iyak ng sanggol

mula sa sulok ng kung saang bilangguan

MARKANG EKIS SA NOO NG PUSAKAL SA PAYATAS

Humuhulas Umaapaw
Hungkag sa sukdulang kasakiman
Naduhagi’t naggipit
Upak mula sa pulut-pukyutan

Turumba, turumba, matuwa’t tayo’y magsaya—

Ngunit nahumaling pa rin sa buhos ng labi
Kahit hindi pa nakatikim ng “kinse anyos”

O bituing marikit
sa hugos ng bilihing itinapon
sa hatinggabi ng pagtitiis
sa magdamag na lamay puspos ng pagtitika

Turumba, turumba, matuwa’t tayo’y magsaya—

Kahit titis sa pusod ng yagit
rumaragasang layak sa basura

nagpaparikit sa pusod ng bundok ng mga labing kaluluwa

Bahag ng buntot tiklop-tuhod

Turumba, turumba, matuwa’t tayo’y magsaya—

Upod na kandila’y walang umagapay
nabulusok sa hugpungan ng iyong mga hita
Hidhid alay sa budhing hayok, dayukdok, di bale
di lamang
ang guniguning nag-uudyok
O bituing marikit

Turumba, turumba, matuwa’t tayo’y magsaya—

Sa dulo ng taludtod, ipag-adya mo kami, Mariyangga….O Mariyangga!

PAMANA NI KA CHERITH DAYRIT

Di pa man naghihilom ang mga sugat sa katawan

pinakikiramdaman na ang bumubukong dibdib

bulaklak at bungang tumutubo sa gilid ng himlayan

GAYUMA NG BIRHEN NG HULING SAKLOLO

Naulol sabik na sabik
Pukawin ang budhi sa lambong ng guniguning pumailanlang

Nabighani sa ngiti ng malikmatang anghel pagputok ng bula
Susian ang bibig upang di pumulandit ang gayumang nakauulol

Sa lambong ng bagwis na pumaimbulog sabik sa himalang kariktan
Itarak ang sundang sa pusod ng panaginip ng baliw

Nanggigipuspos pagputok ng bula
Nangalisag sa yapos ng malikmatang birhe’t gayumang nakabibighani

Itarak ang sundang sa lalamunan ng pangarap ng baliw
Pukawin ang kaluluwa’t ikintal sa bawat himaymay ang himalang kariktan

Sa lambing ng bagwis hulihin ang gayuma ng malikmatang anghel
Balangkasin sa bawat himay ang luhawalhi sa sinapupunan ng dilim

Naulol sa pinakasasabikang tarak

ANG DAMUNENENG KO

Ang damuneneng ko’y lumuha sa bundok
Kasabay ang singaw ng luha’t himutok
Luha’y naging baha, along sumasalpok
Ang pinakadarling ko’y sadyang napalaot.

Ako namang ito’y umarkila ng daong
At luko-lokong tumugpa sa alon
Natagpu-tagpuan: polusyon, laking gulo
Ang kalachuchi ko’y kung saan nataboy.

Suhol dito’t doon, humampas ang hangin
Dini sa pusod ko na nahihilahil
Kaya pala ulol, mataray na giliw
Nasa aking puso’t doon humihilik.

Hayo, ‘nak ng tupa, ako’y tulungan
Sa dagat itawid itong kalibugan
Kung tayo’y palaring sumadsad sa pampang
Ang pagkaulila’y ating kalangitan.

Hala, gaod tayo, paglililo’y tiisin
Kabuktutan ng Estado’y huwag palagpasin
Palayu-layo man kung ating suriin
Daig ang paraisong ayaw lakbayin.

HINDI DUMAAN SA BUTAS NG KARAYOM

Nakasimangot di makahuma sa gitna ng ligalig
Ayaw talikdan ang hibo ng kalaguyong ulol sa pangarap

Kailan pa ma’y di magdidilim sa bayan ng hinagpis
Salamat daw sa nagpasilang ng tala sa nangangalumata?

Naninibasib sa gubat ang uring mapag-imbot
Di akalain ang hilahil na darating nagumon sa pangungurakot

Sa alagang kulasisi pulos biro ng tadhana
Salamat sa nakapagpanaw ng dilim—sa nagbubulag-bulagan?

Sukat tibayan ang dibdib di makahuma paghimas ng dilag
Sa ating pagkilos hahagilap ng timbulang ikaliligtas

May bara sa bituka di makaalpas sa gubat ng kaakuhan
Kasiping na baliw sa kinagisnang bayan ng hinagpis

Iniluwal ng budhing kumaliwa’t natutuhang bathin
Ang gulo’t ligalig sa binarhang butas ng karayom

Lumilikas doon katawan mong durog inuuri kahit bulok
Kaluluwang sa alapaap ang tungo bago hamak na abo

HUBAD NA MUTYANG UNTI-UNTING BUMABABA SA HAGDAN

mula sa Paraiso?
Anong kababalaghan ang umikot sa ulirat, nagsayaw ng kung anong pandanggo
sa dilim
“Ganyan lang ang buhay”

Nang matakpa’y nakita nang mabuksa’y wala na
Di matarok hanggang mabunyag sa dilim—May awa ba’ng diyos?
Salimbibig na turo ng mga babaylan
Gawing kakatwa ang karaniwang karanasan

Sa puno muna sapulan
Paralumang hinubaran ng mga lumiligaw, kagila-gilalas
Itinanghal saplot ng gagamba ng kilabot, ginambala ng kung anong hayop
Nang matakpa’y wala na…..

Ang kababalaghan ang lumalagos sa iyong ulirat
Kahit hindi igiit, hinahagilap pa rin kahit mababa ang lipad
Nagkabuhol-buhol ang mutyang hinubaran ng sutlang balatkayo
Kahit sapulan sa puno
sa balingkinitang baywang sa pilantik ng kilay

Ginawang kakatwa ang hubad na mutyang bumababa
Sa matarik na punong nasapulan
Kahit impyerno’y nagmukhang paraiso
At hindi na sa awa ng diyos pagka’t buhay
ay hindi dapat ganyang lamang….

TIGIL, WALANG HIYANG MUSA, KUSA KANG LUMAGAY

Sa abang yapak ni Ka Salud Algabre, babaeng mandirigma,
Kilala at kilalanin
nililok sa putik hinubog sa lupa Kontra-gahum

Tinik ng alindog ng katapangan
Makiapid sa kanyang kapangahasan

sa gilid ng bangin, kakilakilabot Tigil, walang hiya

Kilala at kilalanin
Nag-ambag ng pawis at dugo sa lupang hinirang Kontra-gahum
Bagamat nabaon sa lusak, nasadlak sa paghihikahos
Sa abang yapak ni Kasamang Salud, isuga ang lugaming kaluluwa
Bumabalong doon tila batis ng kalikasang kinagisnan
Agos na tagapagtawid-buhay
Tigil, walang hiya

Sinimsim sa gilid ng batis ng kanyang pakikipagtagisan, lumiligtas
Kusa kang lumagay sa nakilalang landas, inialay ang buhay
Sa yapos ng nakilalang mandirigma
Upang binyagan ang marahas na pagsilang ng ating tadhana

Tigil, walang-hiyang musa, kontra-gahum

TAG-SIBOL SA DEN HAAG, NEDERLAND, 25 Marso 2007
[Para kay CPA]

Mula sa bubong ng simbahang Christus Triumfator sumungaw ang araw
at sa Pax Christi sumikat
ang balintataw ng hatol:

“Guilty!” ang rehimeng U.S.-Arroyo–deklara ng Permanent People’s Tribunal–

Mainit na ang hipo ng amihan sa iyong pisngi, Carol….

Nagtatangka nang bumuka ang buko ng mga bulaklak
sa pintuan ng Hotel Van Der Valk de Bijhorst

Subalit sina Ka Beltran, ang maraming kasama sa Tagaytay at Muntinlupa ay

nakabilanggo pa rin

Patuloy pa rin ang pamamaslang at pambubusabos
Patuloy pa rin, sa kabila ng pagtutol, ang paglaganap ng dilim

Dito sa maaliwalas na lansangan ng Den Haag, walang dagundong
ng motorsiklo, walang mga taong naka-bonet

Walang baril na nakaumang sa pagitan ng mga hita ng dafodil

Ngunit bakit hindi panatag ang loob mo, Carol?

Tumatagos sa buhok mo ang silahis, tumatalab sa pilat ng sugat sa ulo mong inupakan

at binasbasan ng teroristang Estado

Habang pinapakiramdaman ang gumigising at gumagapang na risoma ng tulip

sa matris ng lupa
Unti-unting bumabangon mula sa panaginip

unti-unting bumubuka
At sa banaag ng pagdamay
masilayan ang iyong ngiti–

Binabaklas ang tanikala ng bukang-liwayway ng iyong mga labi–

Panahon na ng Christus Triumfator: bayang lumalaban!

[Amsterdam, Nederland, 3/26/2007]

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

TUNGKOL SA AWTOR

Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. San Juan, Jr. ay awtor ng maraming libro, kabilang na ang ONLY BY STRUGGLE (Giraffe Books), SAPAGKAT INIIBIG KITA AT IBA PANG TULA (University of the Philippines Press), HIMAGSIK (De La Salle University Press), TINIK SA KALULUWA at iba pang maikling katha (Anvil Publishing) at ALAY SA PAGLIKHA NG BUKANG-LIWAYWAY (Ateneo University Press). Inireprint kamakailan ng U.P. Press ang kalipunan ng mga panunuring pampanitikan niya na nagtamo ng Manila Critics Award: TOWARD A PEOPLE’S LITERATURE (University of the Philippines Press).
Kabilang sa pinakahuling libro niya ang U.S. IMPERIALISM AND REVOLUTION IN THE PHILIPPINES (Palgrave Macmillan), IN THE WAKE OF TERROR (Lexington), FILIPINOS EVERYWHERE (IBON Books), at BALIKBAYANG SINTA:AN E. SAN JUAN READER (Ateneo University Press).
Naglingkod bilang Fulbright professor of American Studies sa Katholieke Universiteit Leuven, Belgium; Fellow of the Center for the Humanities, Wesleyan University; at visiting professor of literature sa National Tsing Hua University, Hsinchu, Taiwan. Kamakailan naging Residential Fellow ng Rockefeller Foundation Study & Conference Center sa Bellagio, Italya. Kasalukuyang director ng Philippines Cultural Studies Center sa Connecticut, USA, at katulong na patnugot ng maraming djornal tulad ng ATLANTIC STUDIES, LEFT CURVE, AMERASIA JOURNAL, NATURE SOCIETY AND THOUGHT, CULTURAL LOGIC, BULATLAT, KULTURA KRITIKA, at iba pa. Kasapi sa National Writers Union, American Civil Liberties Union, American Studies Association at Modern Language Association of America.

About philcsc

E.SAN JUAN, Jr. directs the Philippines Cultural Studies Center, Washington DC, USA and lectures at the Polytechnic University of the Philippines, Manila, Philippines.
This entry was posted in AESTHETICS, POETICS, SOCIOCRITICISM and tagged , . Bookmark the permalink.