ENGKWENTRO ni E. San Juan, Jr.


 

ENGKUWENTRO SA PINAGTAPUNAN NG BAYANI

 

 

ni E. SAN JUAN, Jr.

 

 

Isang hapong umuwi akong mag-isa, Bella—limot mo na ito–

mula sa Andres Bonifacio Elementary School, napadako ako

sa palengke ng Blumentritt  kung saan nasaksihan ang sakunang nangyari;

 

di sinasadya’y nasilip sa ilalim ng tren ang duguang bitukang

likaw-likaw ng kung sinong nadisgrasya, di alam kung bakit

sumagupa sa trapik na sinikap nating laging sabayan…..

 

Ilang taon pagkatapos, minsang pagliko sa nagkrus na daan

ng Dimasalang at Dapitan,  nasulyapan kita at nahihiyang binati….

At sa kung anong dahilan, nagitla ako, Bella,

 

nang biglang pumitas ka ng pulang bulaklak sa gilid ng kanal

at iniabot sa akin bago tayo muling naghiwalay….

Nakamamangha, kasi’y namagitan na sa atin mula noon

 

ang likaw-likaw na pangyayaring humiwa’t nagbukod sa katawa’t kaluluwa…

At ngayong hapong sumisilong ako sa ilalim ng riles ng modernong LRT

na humati sa Avenida Rizal at sumaplot sa pusod ng aking kamusmusmusan

 

di mapilas, di mapigtal sa gunita ang talulot na kasing pula

ng iyong labi, Bella–bahid kaya iyon o damay ng aksidenteng nakasisindak?

Walang tangka, balak o bantang sariwain ang kahapong nakapagtataka,

 

habang tumatawid sa lansangang tigib ng panganib at pangamba,

kasabay ng dagundong ng gulong na bakal ng tren sa bubungan

nakatingala ako, gulilat, naipit sa pagitan ng kalye Tandang Sora’t Laong-Laan,

 

di kinukusa’y nasambit ko—sa harap ng rumaragasang trapik sa Blumentritt—

ang pangalan ni Josephine Bracken MacBride, dulce extranjera,

at ang pakikipagsapalaran sa mahiwagang kaharian ng Albanya.

 

###Image

About these ads

About philcsc

E.SAN JUAN, Jr. directs the Philippines Cultural Studies Center, Storrs, CT 06268 USA and works with the Philippines Forum, New York, and the PEN American Center.
This entry was posted in DISCOURSES ON CONTRADICTIONS. Bookmark the permalink.